1 “Kapag nilipol na ng Panginoon na inyong Dios ang mga mamamayan na ang mga lupain ay ibinibigay niya sa inyo, at kapag napalayas na ninyo sila at doon na kayo naninirahan sa kanilang mga bayan at mga bahay,
2 pumili kayo ng tatlong lungsod na tanggulan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na aangkinin ninyo.
3 Hatiin ninyo sa tatlong distrito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, na may isang lungsod na tanggulan sa bawat distrito. Ayusin ninyo ang mga daan papunta doon, para ang sinumang makapatay ng tao ay makakatakas papunta sa isa sa mga lungsod na iyon.
4 Kung nakapatay ng tao ang kanyang kapwa nang hindi sinadya at hindi dahil sa galit, makakatakas siya papunta sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon.
5 “Kung ang isang tao ay pumunta sa kakahuyan para mangahoy kasama ang kanyang kapitbahay, at habang pumuputol siya ng kahoy ay biglang natanggal ang ulo ng palakol niya at natamaan ang kapitbahay niya, at namatay ito, pwede siyang makatakas papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon.
6 Kung ang lungsod na tanggulan ay malayo sa taong nakapatay, baka habulin siya ng tao na gustong gumanti sa kanya, at mapatay siya. Pero hindi siya dapat patayin dahil hindi sinasadya ang pagkakapatay niya at wala naman siyang galit sa napatay.
7 Ito ang dahilan kung bakit ko kayo inuutusang pumili ng tatlong lungsod na tanggulan.
8 “Palalawakin ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at magiging inyo ang buong lupain na ipinangako niya sa kanila.
9 Gagawin ito ng Panginoon na inyong Dios kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na iniuutos ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mamuhay kayong lagi ayon sa kanyang mga pamamaraan. Kapag lumawak na ang inyong lupain, magdagdag pa kayo ng tatlo pang bayan na tanggulan.
10 Gawin ninyo ito para walang inosenteng tao na mamamatay sa lupain ninyo, na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang mana, at para hindi na kayo magkasala kung may inosenteng tao na mapatay.
11 “Ngunit kung ang isang tao ay napopoot sa kanyang kapwa at inabangan niya ito at pinatay, at pagkatapos ay tumakas siya papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan,
12 kailangang ipakuha siya ng mga tagapamahala ng kanyang bayan at ibigay sa gustong gumanti sa kanya para patayin siya.
13 Huwag kayong maaawa sa kanya. Kailangang alisin ninyo sa Israel ang pumapatay ng mga inosenteng tao para maging mabuti ang inyong kalagayan.
14 “Kapag dumating na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, huwag ninyong nanakawin ang lupain ng inyong kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon ng kanyang lupain na inilagay noon ng inyong ninuno.
15 “Huwag ninyong hahatulan na nagkasala ang isang tao dahil lang sa patotoo ng isang saksi. Kailangang may dalawa o tatlong saksi na magpapatotoo na ang isang tao ay nagkasala.
16 Kung ang isang saksi ay tatayo sa korte at magpapahayag ng kasinungalingan na nagkasala ang isang tao,
17 patatayuin silang dalawa sa presensya ng Panginoon, sa harap ng mga pari at ng mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon.
18-19 Dapat itong imbestigahang mabuti ng mga hukom, at kung mapapatunayang nagsisinungaling nga ang saksi sa pamamagitan ng pambibintang sa kanyang kapwa, dapat siyang parusahan ng parusang dapat sana ay sa taong pinagbintangan niya. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
20 Matatakot ang makakarinig nito at wala nang gagawa muli ng masamang gawang ito.
21 Huwag kayong magpakita ng awa. Kung pinatay ng isang tao ang kapwa niya, dapat din siyang patayin. Kung nambulag siya, dapat din siyang bulagin. Kung nambungi siya, dapat din siyang bungiin. Kung nambali siya ng kamay at paa, dapat ding baliin ang kamay at paa niya.