31 “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Sinimulan ko nang ibigay sa inyo si Sihon at ang kanyang lupain; kaya simulan na ninyo ang pagsalakay at pagsakop sa kanyang lupain.’
32 “Nang nakikipaglaban si Sihon at ang kanyang mga sundalo sa atin doon sa Jahaz,
33 ibinigay siya ng Panginoon na ating Dios sa atin at pinatay natin siya, pati ang mga anak niya at ang lahat ng sundalo niya.
34 Nang panahong iyon, sinakop natin ang lahat ng kanyang bayan at nilipol sila ng lubusan – mga lalaki, babae at mga bata. Wala tayong itinirang buhay.
35 Dinala natin ang kanilang mga hayop at mga ari-arian na ating nasamsam mula sa kanilang mga bayan.
36 “Tinulungan tayo ng Panginoon na ating Dios sa pag-agaw ng Aroer ang lugar sa tabi ng Lambak ng Arnon at sa mga bayan sa paligid ng lambak na ito, at ng mga lugar hanggang sa Gilead. Walang bayan na matibay ang mga pader na hindi natin kayang pasukin.
37 Pero ayon sa iniutos sa atin ng Panginoon na ating Dios, hindi tayo lumapit sa kahit aling lupain ng mga Ammonita, kahit sa Lambak ng Jabok o sa mga bayan sa palibot ng mga kaburulan.”