2 Kung mag-aasawa muli ang babae,
3 at hiwalayan na naman siya ng ikalawa niyang asawa o mamatay ito,
4 hindi na siya maaaring mapangasawang muli ng nauna niyang asawa dahil narumihan na siya. Kung muli siyang mapapangasawa ng nauna niyang asawa, kasuklam-suklam ito sa paningin ng Panginoon. Hindi ninyo dapat gawin ang mga kasalanang ito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.
5 “Kung bagong kasal ang isang lalaki, huwag ninyo siyang isasama sa labanan o bibigyan ng anumang responsibilidad sa bayan sa loob ng isang taon, para manatili muna siya sa kanyang bahay at mabigyan ng kasiyahan ang kanyang asawa.
6 “Huwag ninyong kukuning sanla ang gilingan ng umutang sa inyo dahil para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.
7 “Sinuman sa inyo ang kumidnap sa kapwa niya Israelita at ginawa itong alipin o ipinagbili, dapat patayin ang kumidnap. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
8 “Tungkol sa malubhang sakit sa balat, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin na ipinapagawa sa inyo ng mga pari na mga Levita. Sundin ninyo ang mga iniutos ko sa kanila.