12 “Sa bawat ikatlong taon, ibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para mayroon silang masaganang pagkain.
13 Pagkatapos, sabihin ninyo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, ‘Kinuha ko na po sa aking bahay ang banal na bahagi, iyon ang ikasampung bahagi, at ibinigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda ayon sa lahat ng iniutos nʼyo sa amin. Hindi po ako sumuway o lumimot sa kahit isang utos ninyo.
14 Hindi ko po ito kinain habang nagdadalamhati ako; hindi ko ito ginalaw habang itinuturing akong marumi at hindi ko po ito inihandog sa patay. O Panginoon na aking Dios, sinunod ko po kayo. Ginawa ko ang lahat ng iniutos ninyo sa amin.
15 Tingnan po ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit, at pagpalain ang mga mamamayan ninyong Israelita at ang maganda at masaganang lupain na ibinigay ninyo sa amin ayon sa ipinangako ninyo sa aming mga ninuno.’
16 “Sa araw na ito, inuutusan kayo ng Panginoon na inyong Dios na sundin ninyong lahat ang utos at tuntuning ito. Sundin ninyo itong mabuti nang buong pusoʼt kaluluwa.
17 Ipinahayag ninyo sa araw na ito na ang Panginoon ang inyong Dios at mabubuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan, dahil susundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin, at susundin ninyo siya.
18 At ipinahayag din ng Panginoon sa araw na ito, na kayo ang espesyal na mamamayan ayon sa kanyang ipinangako, at dapat kayong sumunod sa lahat ng utos niya.