20 Dadalhin ko sila sa maganda at masaganang lupain na ipinangako kong ibibigay sa kanilang mga ninuno. Doon, mabubuhay sila nang masagana; kakain sila ng lahat ng pagkaing gusto nila, at mabubusog sila. Pero tatalikuran nila ako at sasamba sa ibang mga dios. Susuwayin nila ang aking kasunduan.
21 Kung dumating na sa kanila ang maraming kapahamakan at mga kahirapan, ang awit na ito ang magiging saksi laban sa kanila, sapagkat hindi ito malilimutan ng kanilang mga lahi. Nalalaman ko kung ano ang pinaplano nilang gawin kahit na hindi ko pa sila nadadala sa lupaing ipinangako ko sa kanila.”
22 Sa araw na iyon, isinulat ni Moises ang awit at itinuro sa mga Israelita.
23 Itinalaga ng Panginoon si Josue na anak ni Nun. Sabi niya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang magdadala sa mga Israelita sa lupain na ipinangako ko sa kanila, at sasamahan kita.”
24 Pagkatapos na maisulat ni Moises ang lahat ng utos sa aklat,
25 inutusan niya ang mga Levita, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Sinabi niya,
26 “Kunin ninyo ang Aklat ng Kautusan na ito at ilagay sa tabi ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios. Mananatili ito roon bilang saksi laban sa mga mamamayan ng Israel.