11 “Pagkatapos ng 40 araw at 40 gabi, ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang kautusan.
12 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Bumaba ka agad dahil ang mga mamamayan na pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto ay naging masama na. Napakadali nilang tumalikod sa mga tuntunin na iniutos ko sa kanila at gumawa sila ng mga dios-diosan para sambahin nila.’
13 “At sinabi pa ng Panginoon sa akin, ‘Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga mamamayang ito.
14 Pabayaan mo akong puksain sila para hindi na sila maalala pa. Pagkatapos, gagawin kita at ang iyong salinlahi na isang bansa na mas makapangyarihan at mas marami pa kaysa sa kanila.’
15 “Kaya bumaba ako mula sa naglalagablab na bundok, dala ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang tuntunin ng kasunduan.
16 At nakita ko ang pagkakasala nʼyo sa Panginoon na inyong Dios. Gumawa kayo ng dios-diosang guya. Napakadali ninyong tumalikod sa mga iniutos ng Panginoon sa inyo.
17 Kaya sa harapan ninyo, ibinagsak ko ang dalawang malalapad na bato at nabiyak ang mga ito.