13 Kinuha niya ang isa sa mga anak ng hari ng Juda at gumawa sila ng kasunduan, pinasumpa niya ang anak ng hari na maglilingkod sa kanya. Binihag din niya ang mga marangal na tao ng Juda,
14 upang hindi na makabangong muli ang kahariang ito at hindi na makalaban sa kanya. Ang kahariang ito ay mananatili kung ipagpapatuloy niya ang kanyang kasunduan sa Babilonia.
15 Pero nagrebelde ang hari ng Juda sa hari ng Babilonia. Nagpadala ng mga tao sa Egipto ang hari ng Juda para humingi ng mga kabayo at sundalo. Pero magtatagumpay kaya siya? Makakatakas kaya siyaʼt makakaligtas sa parusa dahil sa pagsira niya sa kasunduan sa Babilonia?
16 Hindi! Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na ang hari ng Juda ay siguradong mamamatay sa Babilonia dahil sinira niya ang sinumpaang kasunduan sa hari nito na nagluklok sa kanya sa trono.
17 Hindi siya matutulungan ng Faraon sa digmaan, pati na ang napakarami at makapangyarihang sundalo nito kapag sumalakay na ang mga taga-Babilonia para puksain ang maraming buhay.
18 Sinira ng hari ng Juda ang kasunduang sinumpaan niya sa hari ng Babilonia, kaya hindi siya makakaligtas.
19 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang parurusahan ko siya dahil sa pagsira niya sa kasunduang sinumpaan niya sa pangalan ko.