21 “Pero nagrebelde rin sa akin ang mga anak nila. Hindi nila sinunod ang mga utos ko at tuntunin, na kapag tinupad nilaʼy mabubuhay sila. At hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa ilang.
22 Ngunit hindi ko rin ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto.
23 Pero isinumpa ko sa kanila roon sa ilang na pangangalatin ko sila sa ibaʼt ibang bansa,
24 dahil hindi nila sinunod ang mga utos koʼt panuntunan at hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Higit nilang pinahalagahan ang pagsamba sa mga dios-diosan ng kanilang mga magulang.
25 Pinabayaan ko silang sundin ang mga utos at mga tuntuning hindi mabuti at hindi makapagbibigay ng magandang buhay.
26 Pinabayaan ko silang dungisan ang mga sarili nila sa pamamagitan ng paghahandog sa mga dios-diosan pati na ang paghahandog ng kanilang mga panganay na lalaki. Pinayagan ko ito para mangilabot sila at malaman nilang ako ang Panginoon.
27 “Kaya anak ng tao, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Ang inyong mga ninuno ay patuloy na lumapastangan at nagtakwil sa akin.