5 Sabihin mo sa kanila na ito ang sinabi ng Panginoong Dios: Nang piliin ko ang Israel na lahi ni Jacob at ipakilala ang sarili ko sa kanila roon sa lupain ng Egipto, sumumpa ako sa kanila na ako ang Panginoon na magiging Dios nila.
6 Isinumpa ko sa kanila na palalayain ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing pinili ko para sa kanila – isang maganda at masaganang lupain, ang lupaing pinakamaganda sa lahat.
7 Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, ‘Itakwil na ninyo ang inyong mga dios-diosan, huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan ng Egipto, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios.’
8 “Pero nagrebelde sila at hindi nakinig sa akin. Hindi nila itinakwil ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng Egipto. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa Egipto.
9 Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto.
10 Kaya pinalaya ko sila sa Egipto at dinala sa ilang.
11 At dooʼy ibinigay ko sa kanila ang mga utos at mga tuntunin ko na dapat nilang sundin para mabuhay sila.