12 Pero kahit ganito ang gawin mo, hindi pa rin maaalis ng apoy ang kalawang.’
13 “O Jerusalem, ang kahalayan mo ang dumungis sa iyo. Pinagsikapan kong linisin ka, ngunit ayaw mong magpalinis. Kaya mananatili kang marumi hanggaʼt hindi ko naibubuhos ang matinding galit ko sa iyo.
14 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, dumating na ang panahon ng aking pagpaparusa at walang makapipigil sa akin. Hindi na kita kahahabagan at hindi na magbabago ang isip ko. Hahatulan kita ayon sa iyong pamumuhay at mga ginawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
15 Sinabi sa akin ng Panginoon,
16 “Anak ng tao, kukunin kong bigla ang babaeng pinakamamahal mo. Ngunit huwag mo siyang ipagluluksa o iiyakan man.
17 Maaari kang magbuntong-hininga pero huwag mong ipapakita ang kalungkutan mo. Huwag mong alisin ang turban mo at sandalyas. Huwag mong tatakpan ang mukha mo para ipakitang nagluluksa ka. Huwag ka ring kumain ng pagkaing ibinibigay para sa namatayan.”
18 Kinaumagahan, sinabi ko ito sa mga tao, at kinagabihan din ay namatay ang asawa ko. Nang sumunod na umaga, sinunod ko ang iniutos sa akin ng Panginoon.