24 At ang ibinayad nila sa iyo ay mga mamahaling damit, mga asul na tela, mga telang may burda at mga karpet na maayos ang pagkakatahi na may ibaʼt ibang kulay.
25 “ ‘Ang mga barko ng Tarshish ang nagdadala ng mga produkto mo. Tulad ka ng isang barkong punong-puno ng karga habang naglalakbay sa pusod ng karagatan.
26 Pero dadalhin ka ng mga tagasagwan mo sa gitna ng karagatan, at wawasakin ka ng malakas na hangin mula sa silangan.
27 Ang mga kayamanan moʼt produkto, mga tripulante, tagasagwan at mga karpintero, maging ang mga mangangalakal at lahat ng sundalo, ay lulubog sa gitna ng laot sa oras na mawasak ka.
28 “ ‘Manginginig sa takot ang mga nakatira sa tabing-dagat kapag narinig nila ang sigawan ng mga nalulunod.
29 Iiwan ng mga tagasagwan, mga tripulante at mga opisyal ng barko ang kanilang mga sasakyan at tatayo sa tabing-dagat.
30 Iiyak sila ng buong pait, maglalagay ng alikabok sa ulo at gugulong sa abo para ipakita ang kanilang pagdadalamhati.