8 Mga taga-Sidon at Arbad ang tagasagwan mo at ang mga bihasang tripulante ay nanggaling mismo sa sarili mong tauhan.
9 Ang mga bihasang karpintero na mula sa Gebal ang taga-ayos ng iyong mga sira. Pumupunta sa iyo ang mga tripulante ng ibang mga sasakyan at nakikipagkalakalan.
10 Ang mga sundalo mo ay mga taga-Persia, Lydia at Put. Isinasabit nila ang mga kalasag nila at helmet sa dingding mo na nagbibigay ng karangalan sa iyo.
11 Mga taga-Arbad at taga-Helek ang nagbabantay sa palibot ng iyong mga pader. At ang mga taga-Gammad ang nagbabantay ng iyong mga tore. Isinasabit nila ang kanilang mga kalasag at mga helmet sa dingding mo, at nagbibigay din ito ng karangalan sa iyo.
12 “ ‘Nakipagkalakalan sa iyo ang Tarshish dahil sagana ka sa kayamanan. Ang ibinayad nila sa iyo ay pilak, bakal, lata at tingga.
13 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Grecia, Tubal at Meshec, at ang ibinayad nila sa iyo ay mga alipin at mga gamit na yari sa tanso.
14 Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Bet Togarma ay mga kabayong pantrabaho at mga molang pandigma.