1 Noong unang araw ng ikatlong buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon,
2 “Anak ng tao, ito ang sabihin mo sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga mamamayan niya:“Kanino ko kaya maihahalintulad ang iyong kapangyarihan?
3 Ah, maihahalintulad kita sa Asiria, ang bansa na parang puno ng sedro sa Lebanon. Ang punong itoʼy may magaganda at malalagong sanga na nakakapagbigay-lilim sa ibang mga puno at mataas kaysa sa ibang mga puno.
4 Sagana ito sa tubig mula sa malalim na bukal na nagpapalago sa kanya, at umaagos sa lahat ng puno sa kagubatan.
5 Kaya ang punong itoʼy mas mataas kaysa sa lahat ng puno sa kagubatan. Ang mga sanga ay mahahaba at ang mga dahon ay mayayabong dahil sagana sa tubig.
6 Ang lahat ng klase ng ibon ay nagpugad sa mga sanga niya, ang lahat ng hayop sa gubat ay nanganak sa ilalim ng puno niya, at ang lahat ng tanyag na bansa ay sumilong sa kanya.
7 Napakaganda ng punong ito. Mahahaba ang sanga at mayayabong ang dahon, at ang ugat ay umaabot sa maraming tubig.