11 kaya ibibigay ko siya sa pinuno ng mga makapangyarihang bansa. At tiyak na paparusahan siya ayon sa kasamaan niya. Oo, itatakwil ko siya;
12 puputulin siya ng mga malulupit na dayuhan at pagkatapos ay pababayaan. Mangangalat ang mga putol na sanga niya sa mga bundok, lambak at mga ilog. At iiwan siya ng mga bansang sumilong sa kanya.
13 Ang mga ibon sa himpapawid ay dadapo sa naputol na puno at ang mga hayop sa gubat ay magpapahinga sa mga sanga niyang nagkalat sa lupa.
14 Kaya simula ngayon wala nang punong tataas pa sa ibang malagong mga punongkahoy, kahit sagana pa ito sa tubig. Sapagkat ang lahat ng puno ay mamamatay katulad ng tao, at pupunta sa ilalim ng lupa.”
15 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag dumating na ang araw na ang punong itoʼy pupunta na sa lugar ng mga patay, patitigilin ko ang pag-agos ng mga bukal sa ilalim. Tanda ito ng pagluluksa. Kaya hindi na aagos ang mga ilog, at mawawala ang maraming tubig. Dahil dito, magdidilim sa Lebanon at malalanta ang mga punongkahoy.
16 Manginginig sa takot ang mga bansa kapag narinig nila ang pagbagsak ng punong ito sa oras na dalhin ko na ito sa lugar ng mga patay, para makasama niya ang mga namatay na. Sa gayon, ang lahat ng puno sa Eden at ang lahat ng magaganda at piling puno ng Lebanon na natutubigang mabuti ay matutuwa roon sa ilalim ng lupa.
17 Ang mga bansang sumisilong at kumakampi sa kanya ay sasama rin sa kanya roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga namatay sa digmaan.