11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi ako natutuwa kapag may namamatay na taong masama. Ang nais koʼy magbagong-buhay sila at iwan na ang masamang pamumuhay upang mabuhay sila. Kaya kayong mga mamamayan ng Israel, magbagong-buhay na kayo, iwan nʼyo na ang masamang pamumuhay. Gusto nʼyo bang mamatay?
12 “Kaya ngayon, anak ng tao, sabihin mo sa mga kababayan mo na kapag gumawa ng kasalanan ang taong matuwid, hindi rin siya maililigtas ng mga kabutihang nagawa niya. At kapag tumalikod naman ang masama sa kasamaan, hindi na siya parurusahan sa mga nagawa niyang kasalanan.
13 Kapag sinabi ko sa taong matuwid na tiyak na mabubuhay siya, pero naging kampante siyaʼt gumawa ng masama, at sasabihin niyang maililigtas siya ng mabubuting gawa niya noon. Mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at hindi ko na aalalahanin ang mga ginawa niyang kabutihan.
14 At kapag sinabi ko sa masama na tiyak na mamamatay siya, pero sa bandang huliʼy tinalikuran niya ang kasamaan niyaʼt gumawa ng tama at matuwid –
15 tulad ng pagsasauli ng garantiya ng nanghiram sa kanya, o ng ninakaw niya, pagsunod sa mga tuntunin na nagbibigay-buhay, at pag-iwas sa masamang gawain – ang taong iyon ay tiyak na mabubuhay. Hindi siya mamamatay.
16 Hindi na aalalahanin ang mga ginawa niyang kasalanan noon. Dahil gumawa siya ng tama at matuwid, tiyak na mabubuhay siya.
17 “Pero ang iyong mga kababayan, Ezekiel, dumadaing na hindi raw tama ang pamamaraan ko, gayong ang pamamaraan nila ang hindi tama.