14 Pagkaraan ng pitong buwan, may mga taong susuguin na ito lang ang gagawin: Susuyurin nila ang lugar na iyon para tingnan kung may natitira pang nagkalat na bangkay at ipapalibing nila ito upang malinis ang lupain.
15 Kapag may nakita pa silang mga kalansay ng tao, lalagyan nila ito ng tanda para makita ng mga maglilibing at para mailibing nila sa Lambak ng Hukbo ni Gog.
16 (May bayang malapit doon na tatawaging Homonah o Maraming Tao). Sa ganitong paraan nila lilinisin ang lupain.”
17-18 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa akin, “Anak ng tao, tipunin mo ang lahat ng uri ng ibon at mababangis na hayop doon sa bundok ng Israel, dahil maghahanda ako ng isang piging at marami akong ihahandog doon na makakain nila. Kakain sila ng laman at iinom ng dugo ng matatapang na mga sundalo at pinuno na parang kumakain lang sila ng tupa, baka at kambing na pinataba mula sa Bashan.
19 Sa piging na ito na ihahanda ko para sa kanila, magsasawa sila sa pagkain at pag-inom hanggang sa mabusog at malasing ang mga ito.
20 Mananawa sila sa pagkain ng mga kabayo, mangangabayo, at matatapang na sundalo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
21 “Kapag pinarusahan ko na ang mga bansa, makikita nila kung gaano kalakas ang aking kapangyarihan.