11 May daanan din sa harap ng mga silid na ito, katulad ng mga silid sa gawing hilaga. Ang kanilang haba at luwang ay magkapareho, pati ang mga daanan at ang mga sukat nito ay magkapareho rin. Ang mga pintuan ng mga silid sa hilaga ay
12 katulad din sa mga silid sa timog. May pintuan pagdating mismo sa daanan na papasok sa gusaling iyon. May pader sa gilid ng daanang ito, kung papasok ka galing silangan.
13 Sinabi sa akin ng tao, “Ang mga silid na ito sa gawing timog at hilaga na nasa gilid ng bakuran sa loob ay mga banal na silid. Sapagkat diyan kumakain ang mga pari ng mga banal na handog na inihandog nila sa Panginoon. Gagamitin din nila ang mga silid na ito bilang lalagyan ng mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, handog sa paglilinis at handog na pambayad ng kasalanan. Sapagkat banal ang mga silid na ito.
14 Kapag ang mga pari ay lumabas na sa mga banal na silid na ito, hindi sila dapat pumunta agad sa bakuran sa labas. Dapat magbihis muna sila ng ibang damit bago sila pumunta sa bahagi ng templo na para sa mga tao.”
15 Matapos sukatin ng tao ang loob ng templo, dinala niya ako sa labas. Doon kami dumaan sa gawing silangan, at sinukat niya ang kabuuang luwang ng templo.
16 Sinukat niya ng kanyang panukat na kahoy ang gawing silangan, at ang sukat ng haba nito ay 850 talampakan.
17-19 Sinukat din niya ang sa gawing hilaga, kanluran at timog at pawang magkakatulad na 850 talampakan ang haba nito.