9 Ngayoʼy kinakailangan na silang tumigil sa pagsamba sa mga dios-diosan at sa mga monumento ng namatay nilang mga hari. Sa gayon, mananahan akong kasama nila magpakailanman.”
10 Sinabi pa ng tinig, “Anak ng tao, ilarawan mo sa mga mamamayan ng Israel ang templo na ipinakita ko sa iyo. Sabihin mo sa kanila ang anyo nito upang mapahiya sila dahil sa mga kasalanan nila.
11 Kapag napahiya na sila sa lahat ng ginawa nila, ilarawan mo sa kanila kung paano gagawin ito, ang mga daanan, pinto, at ang buong anyo ng gusali. Isulat mo ang mga tuntunin sa pagpapagawa nito habang nakatingin sila para masunod nila ito nang mabuti.
12 At ito ang pangunahing kautusan tungkol sa templo: Ituring ninyong banal ang lahat ng lugar sa paligid ng bundok doon sa itaas na pagtatayuan ng templo.
13 “Ito ang sukat ng altar ayon sa umiiral na panukat: Sa paligid ng altar ay gagawa kayo ng parang kanal na 20 pulgada ang luwang at 20 pulgada rin ang lalim at may sinepa sa paligid na anim na pulgada ang kapal.
14-17 May tatlong palapag ang altar na parisukat lahat. Ang ibabang palapag ay 27 talampakan ang haba at luwang. Ang taas naman ay tatlong talampakan. Ang gitnang palapag ay 24 na talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. May kanal sa paligid nito na 20 pulgada ang lalim, at may sinepa sa palibot na sampung pulgada ang luwang. Ang palapag sa itaas ay 20 talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. Dito sinusunog ang mga handog. Ang apat na sulok ng altar ay may parang mga sungay ng hayop. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan.”
18 Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Kapag nagawa na ang altar, italaga ninyo ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog na sinusunog at pagwiwisik ng dugo ng hayop na inihandog.