13 “Ito ang mga kaloob na dapat ninyong ibigay sa pinuno ng Israel: isa sa bawat 60 ng inani ninyong trigo at sebada,
14 isa sa bawat 100 na bat ng langis ng olibo (ang takalan na gagamitin nito ay ang ‘bat’; ang sampung ‘bat’ ay isang ‘homer’ o isang ‘cor’),
15 at isang tupa sa bawat 200 ninyong hayop. Ang mga kaloob na itoʼy gagamiting handog para sa pagpaparangal sa akin, handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon, upang mapatawad ang mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
16 Ang lahat ng Israelita ang magdadala ng mga kaloob na ito para magamit ng pinuno ng Israel.
17 Tungkulin naman ng pinuno ng Israel ang pagbibigay ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin, handog na inumin, handog sa paglilinis, at handog para sa mabuting relasyon sa panahon ng pista katulad ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at iba pang mga pista na ipinagdiriwang ng mga Israelita. Iaalay ang mga handog na ito upang mapatawad ang mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel.”
18 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sa unang araw ng unang buwan, maghahandog kayo ng toro na walang kapintasan para sa paglilinis ng templo.
19 Ang pari ang dapat kumuha ng dugo nito at ipapahid niya sa hamba ng pintuan ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga hamba ng pintuan sa bakuran sa loob.