1 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada at gamitin mong pang-ahit ng iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo ang buhok moʼt balbas at hatiin ito sa tatlong bahagi.
2 Ang unang bahagi ay ilagay mo sa tisa na ginuhitan mo ng lungsod ng Jerusalem. Sunugin mo ito sa gitna ng lungsod matapos mong maipakita ang pagkubkob nito. Ang ikalawang bahagi ay ilagay mo sa palibot ng lungsod at pagputol-putulin sa pamamagitan ng espada mo. At ang natirang bahagi ay isaboy mo sa hangin dahil ikakalat ko ang mga mamamayan ko sa pamamagitan ng espada.
3 Pero magtira ka ng kaunting buhok at balutin mo ito ng iyong damit.
4 Kumuha ka ng iilan at sunugin mo sa apoy. Mula rito, kakalat ang apoy at masusunog ang buong Israel.
5 “Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ito ang kahihinatnan ng Jerusalem, ang lungsod na ginawa kong pinakasentro sa buong daigdig.
6 Nilabag niya ang mga utos ko at naging mas masama pa kaysa sa ibang mga bansang nasa palibot nito. Itinakwil niya ang mga utos at mga tuntunin ko.
7 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga taga-Jerusalem, mas masama pa kayo kaysa sa mga bansang nasa palibot ninyo. Hindi ninyo sinunod ang mga utos at mga tuntunin ko, o sinunod man ang mga tuntunin ng mga bansang nasa palibot ninyo.