1 Sumagot si Job,
2 “Ang akala nʼyo baʼy kayo lang ang marunong at wala nang matitirang marunong kapag namatay kayo?
3 Ako man ay marunong din gaya ninyo; hindi kayo nakahihigit sa akin. Alam ko rin ang lahat ng sinasabi ninyo.
4 Pero naging katawa-tawa ako sa aking mga kaibigan, kahit na matuwid ako at walang kapintasan, at kahit sinagot ng Dios ang mga dalangin ko noon.
5 Ang mga taong naghihirap na gaya ko na tila mabubuwal ay kinukutya ng mga taong walang problema.
6 Pero ang mga tulisan at ang mga taong ginagalit ang Dios ay namumuhay ng payapa gayong ang dinidios nilaʼy ang sarili nilang kakayahan.
7-8 “Matututo ka sa ibaʼt ibang hayop – ang lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang lumalangoy.
9 Sapagkat alam nila na ang Panginoon ang may gawa nito.
10 Nasa kamay niya ang buhay o hininga ng bawat nilalang, pati na ng tao.
11 Kung alam ng dila ng tao kung alin ang masarap o hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga ng tao kung alin ang mabuti o masamang salita.
12 Maraming alam sa buhay ang matatanda, dahil habang tumatagal ang buhay nila, lalong dumarami ang kanilang nalalaman.
13 “Pero ang Dios ay hindi lang nagtataglay ng karunungan, nasa kanya rin ang kapangyarihan, at siya lang ang nakakaunawa kung ano ang dapat gawin.
14 Walang makapag-aayos ng kanyang sinisira, at walang makapagpapalaya sa kanyang ikinukulong.
15 Kung pipigilin niya ang ulan, matutuyo ang lupa, at kung ibubuhos naman niya ito, babahain ang lupa.
16 Makapangyarihan siyaʼt matagumpay, at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang mandaraya at ang dinadaya.
17 Inaalisan niya ng karunungan ang mga tagapayo, at ginagawang mangmang ang mga hukom.
18 Pinaaalis niya ang mga hari sa kanilang trono at ipinabibihag.
19 Tinatanggal niya sa tungkulin ang mga pari at ang mga taong may kapangyarihan.
20 Pinatatahimik niya ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo at inaalis ang karunungan ng matatanda.
21 Hinahamak niya ang mga mararangal na tao at inaalisan ng kakayahan ang mga may kapangyarihan.
22 Ang mga lihim ay kanyang inihahayag, at ang madilim ay pinapalitan ng liwanag.
23 Pinalalakas niya ang mga bansa at pinapalawak ang kanilang teritoryo, pero ibinabagsak din niya ito at winawasak.
24 Ginagawa niyang mangmang ang kanilang mga pinuno at inililigaw sila sa ilang.
25 Kaya para silang bulag na kumakapa sa dilim at sumusuray-suray na parang lasing.