1 “Kumakabog ang dibdib ko dahil sa bagyo.
2 Pakinggan ninyo ang dumadagundong na tinig ng Dios na parang kulog.
3 Pinakikidlat niya ang buong kalangitan at pinaaabot ito hanggang sa dulo ng mundo.
4 Pagkatapos ay maririnig ang dagundong ng kanyang tinig na parang isang kulog. Hindi niya ito pinipigilan.
5 Kagila-gilalas ang dumadagundong na tinig ng Dios. Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na hindi natin kayang unawain.
6 Inuutusan niya ang yelo na pumatak sa lupa, ganoon din ang ulan na bumuhos nang malakas,
7 para ang taoʼy makapagpahinga sa kanilang mga ginagawa at makapagbulay-bulay sa mga ginawa ng Dios.
8 Nagtatago ang mga hayop sa kanilang mga taguan at nananatili roon kapag may bagyo.
9 Dumadating ang bagyo at ang hanging malamig mula sa kanilang taguan.
10 Sa pamamagitan ng hininga ng Dios nabubuo ang yelo, at nagiging yelo ang malalawak na bahagi ng tubig.
11 Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap at pinakikidlat ito.
12 Sa kanyang utos, nagpapaikot-ikot sa buong mundo ang mga ulap.
13 Ginagamit niya ang mga ito upang ituwid ang tao, o ipadama ang kanyang pag-ibig.
14 “Job, pakinggan mo ito, at pagbulay-bulayan ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Dios.
15 Alam mo ba kung paano inuutusan ng Dios ang ulap, at kung paano siya nagpapakidlat mula rito?
16 Alam mo ba kung paano lumulutang ang mga ulap? Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Dios na ang dunong ay walang hangganan.
17 Ikaʼy pagpapawisan dahil sa mainit na hangin mula sa timog,
18 matutulungan mo ba ang Dios na ilatag ang kalangitan at patigasin na parang tansong salamin?
19 “Kung matalino ka, sabihin mo sa amin kung ano ang dapat naming sabihin sa Dios. Hindi namin alam kung paano kami mangangatwiran dahil kulang ang aming kaalaman.
20 Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Dios, dahil baka akoʼy kanyang ipahamak.
21 Walang sinumang makakatitig sa araw na nagliliwanag sa himpapawid, pagkatapos mahawi ng hangin ang mga ulap.
22 Mula sa hilaga, paparating ang Dios na nagniningning na parang ginto at ang kanyang liwanag ay kahanga-hanga.
23 Hindi natin lubos na maunawaan ang Makapangyarihang Dios na napakadakila. Lubos siyang makatarungan, matuwid at hindi nang-aapi,
24 kaya iginagalang siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga taong nagsasabing sila ay marunong.”