1 Pagkatapos, sumagot si Elifaz na taga-Teman,
2 “May maitutulong ba ang tao sa Dios, o kahit ang taong marunong?
3 Matutuwa kaya ang Makapangyarihang Dios kung matuwid ka? May mapapala ba siya sa iyo kung walang kapintasan ang buhay mo?
4 Sinasaway ka at hinahatulan ng Dios hindi dahil may takot ka sa kanya,
5 kundi dahil sa sukdulan na ang kasamaan mo at walang tigil ang paggawa mo ng kasalanan.
6 Walang awa mong kinukuha ang damit ng iyong kapwa bilang garantiya sa kanyang utang sa iyo.
7 Hindi mo binibigyan ng tubig ang nauuhaw at hindi mo rin binibigyan ng pagkain ang nagugutom.
8 Ginagamit mo ang iyong kapangyarihan at kadakilaan sa pangangamkam ng lupa.
9 Kapag humihingi sa iyo ng tulong ang mga biyuda, pinauuwi mo silang walang dala. Pinagmamalupitan mo pa pati ang mga ulila.
10 Iyan ang mga dahilan kung bakit napapalibutan ka ng patibong at dumarating sa iyo ang biglang pagkatakot.
11 Iyan din ang mga dahilan kung bakit nadiliman ka at hindi nakakita, at inaapawan pa ng baha.
12 “Ang Dios ay nasa kataas-taasang langit, mas mataas pa sa pinakamataas na bituin.
13 Kaya sinasabi mo, ‘Hindi alam ng Dios ang ginagawa ko. Paano siya makakahatol kung napapalibutan siya ng makapal na ulap?
14 Napapalibutan nga siya ng makapal na ulap, kaya hindi niya tayo makikita habang naglalakad siya sa itaas ng langit.’
15 “Patuloy ka bang susunod sa pag-uugaling matagal ng sinusunod ng taong masasama?
16 Namatay sila nang wala pa sa panahon; katulad sila ng pundasyon ng bahay na tinangay ng baha.
17 Sinabi nila sa Makapangyarihang Dios, ‘Hayaan mo na lamang kami! Ano bang magagawa mo para sa amin?’
18 Pero ang Dios ang pumuno ng mabubuting bagay sa bahay nila. Kaya anuman ang ipapayo nitong mga taong masama ay hindi ko tatanggapin.
19 “Kapag nakita ng mga taong matuwid at walang kasalanan ang kapahamakan ng mga taong masama, matutuwa sila at magdiriwang.
20 Sasabihin nila, ‘Napahamak na ang mga kaaway natin, at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’
21 “Job, magpasakop ka sa Dios at makipagkasundo ka sa kanya upang pagpalain ka niya.
22 Tanggapin mo ang kanyang mga itinuturo at ingatan mo sa iyong puso ang kanyang mga salita.
23 Kung manunumbalik ka sa Dios na Makapangyarihan, at aalisin ang kasamaan sa sambahayan mo, pagpapalain ka niyang muli.
24 Huwag mong pahalagahan ang iyong kayamanan; ituring mo ito na parang buhangin o batong nasa ilog.
25 At ang Dios na Makapangyarihan ang ituring mong ginto at mamahaling pilak.
26 At saka mo matatagpuan ang kaligayahang nagmumula sa Makapangyarihang Dios, at hindi ka mahihiyang lumapit sa kanya.
27 Manalangin ka sa kanya at didinggin ka niya. Tuparin mo ang iyong mga pangako sa kanya.
28 Anuman ang binabalak mong gawin ay mangyayari at magiging maliwanag ang iyong daan.
29 Kung may taong nanghihina, at kung idadalangin mo sa Dios na palakasin siya, tutulungan niya ang taong iyon.
30 Pati ang mga taong nagkasala ay ililigtas niya sa pamamagitan ng buhay mong matuwid.”