1 “Nakita koʼt napakinggan ang lahat ng sinabi ninyo, at itoʼy aking naunawaan.
2 Ang alam ninyo ay alam ko rin. Hindi kayo nakahihigit sa akin.
3 Pero hindi na ako makikipagtalo sa inyo tungkol sa kalagayan ko. Sa Makapangyarihang Dios ko na lang ito idudulog.
4 Sapagkat pinagsisikapan ninyong gamutin ako ng kasinungalingan. Lahat kayoʼy parang manggagamot na walang silbi.
5 Mas mabuti pang tumahimik na lang kayo. Iyan ang pinakamabuti nʼyong gawin.
6 “Pakiusap naman! Pakinggan ninyo ang katuwiran ko.
7 Ipagtatanggol nʼyo ba ang Dios sa pamamagitan ng pagsisinungaling?
8 Kumakampi ba kayo sa kanya? Ipagtatanggol ba ninyo siya?
9 Kung siyasatin kaya kayo ng Dios, may kabutihan kaya siyang makikita sa inyo? Huwag ninyong isipin na madadaya ninyo siya tulad ng pandaraya ninyo sa mga tao.
10 Tiyak na sasawayin kayo ng Dios kahit na kinakampihan ninyo siya.
11 Hindi ba kayo natatakot sa kapangyarihan niya?
12 Ang mga binabanggit nʼyong kasabihan ay walang kabuluhan; itoʼy parang abo. Ang mga katuwiran nʼyo ay marupok gaya ng palayok.
13 “Tumahimik kayo habang nagsasalita ako, at anuman ang mangyari sa akin, bahala na.
14 Nakahanda akong itaya ang buhay ko.
15 Tiyak na papatayin ako ng Dios; wala na akong pag-asa. Pero ipagtatanggol ko pa rin ang aking sarili sa kanya.
16 Baka sakaling sa pamamagitan nito ay maligtas ako, dahil walang masamang tao na makakalapit sa kanya.
17 “Pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko.
18 Ngayong handa na akong ipagtanggol ang sarili ko; alam kong mapapawalang-sala ako.
19 Sino ang makapagpaparatang na nagkasala ako? Kung mayroon nga, mananahimik na lang ako hanggang sa mamatay.
20 “O Dios, dalawang bagay lang ang hinihiling ko sa inyo, na kung ibibigay nʼyo sa akin ay hindi na ako magtatago sa inyo:
21 Tigilan nʼyo na ang pagpaparusa sa akin at huwag nʼyo na akong takutin ng mga nakakatakot na parusa ninyo.
22 Kausapin nʼyo ako at sasagot ako, o kayaʼy ako ang magsasalita sa iyo at sagutin nʼyo ako.
23 Anu-ano po ba ang mga nagawa kong pagkakamali at kasalanan? Sabihin nʼyo po sa akin ang aking pagkakamali at mga kasalanan.
24 Bakit umiiwas kayo sa akin at itinuturing nʼyo akong kaaway?
25 Bakit nʼyo ako tinatakot at hinahabol? Para lang akong dahon o tuyong ipa na tinatangay ng hangin.
26 Inililista nʼyo ang mabibigat na paratang laban sa akin at isinasama nʼyo pa ang lahat ng kasalanan ko noong bata pa ako.
27 Para nʼyong ikinadena ang aking mga paa. Bawat hakbang koʼy binabantayan nʼyo, at pati bakas ng paa koʼy sinusundan ninyo.
28 Kaya para na akong isang bagay na nabubulok o isang damit na sinisira ng amag.