1 Sumagot si Bildad na taga-Shua,
2 “Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan? Nag-iingay ka lang at walang kabuluhan ang mga sinasabi mo.
3 Hindi maaaring pilipitin ng Makapangyarihang Dios ang katarungan o baluktutin ang katuwiran.
4 Nagkasala ang iyong mga anak laban sa Dios kaya nararapat lamang ang natanggap nilang kaparusahan.
5 Pero kung lalapit ka sa Makapangyarihang Dios, at magmamakaawa sa kanya,
6 at mamumuhay nang malinis at matuwid, kahit ngayon ay agad ka niyang tutulungan at ibabalik sa mabuting kalagayan.
7 At ang kayamanang ibibigay sa iyo ay higit pa kaysa sa kayamanan mo noon.
8 “Tanungin mo ang mga matatanda. Alamin mo kung ano ang natutunan ng kanilang mga ninuno.
9 Sapagkat parang kailan lang tayo ipinanganak at kaunti lang ang ating nalalaman, at ang mga araw natin dito sa mundo ay tulad ng anino na hindi nagtatagal.
10 Pakinggan mo sila, at sasabihin nila sa iyo ang kanilang nalalaman.
11 “Hindi mabubuhay ang halamang tubig kung walang tubig.
12 Mamamatay iyon kahit na pasibol pa lang at hindi pa panahong putulin.
13 Ganyan din ang kahihinatnan ng lahat ng taong tumatalikod sa Dios. Ang kanyang pag-asa ay mawawala.
14 Ang lahat ng inaasahan at pinagtitiwalaan niya ay kasinrupok ng sapot ng gagamba.
15 Kapag sinandalan ito, agad nalalagot; dumidikit ngunit mahina ang kapit.
16 Kung titingnan parang mabuti ang kalagayan niya, parang tanim na sagana sa dilig at sikat ng araw. Yumayabong ito sa buong hardin
17 at kumakapit ang mga ugat nito sa mga bato.
18 Pero kapag nabunot na ito, hindi na pinapansin.
19 Ganyan ang wakas ng buhay niya, at may tanim na tutubong muli sa lugar na kanyang tinubuan.
20 “Ang totoo, hindi itinatakwil ng Dios ang taong matuwid at hindi niya tinutulungan ang taong masama.
21 Patatawanin ka niyang muli, at pasisigawin sa kagalakan.
22 Ipapahiya niya ang mga napopoot sa iyo at wawasakin ang kanilang sambahayan.”