1 Nagpatuloy pa si Elihu,
2 “Pagtiyagaan mo pa ako ng kaunti, dahil may sasabihin pa ako para ipagtanggol ang Dios.
3 Marami akong nalalaman at papatunayan ko sa iyo na ang Dios na lumikha sa akin ay tama.
4 Tinitiyak ko sa iyong hindi ako nagsisinungaling, dahil ako na kausap moʼy tunay na marunong.
5 “Makapangyarihan ang Dios, pero wala siyang hinahamak. Nalalaman niya ang lahat ng bagay.
6 Hindi niya pinapayagang mabuhay ang masama, at ang mga inaapi ay binibigyan niya ng katarungan.
7 Hindi niya pinapabayaan ang mga matuwid. Pinararangalan niya sila kasama ng mga hari magpakailanman.
8 Pero kung silaʼy pinahihirapan na parang ginagapos ng kadena,
9 ipinapakita sa kanila ng Dios ang ginawa nilang kasalanan na ipinagmamalaki pa nila.
10 Ipinaririnig niya sa kanila ang kanyang babala at inuutusan silang tumalikod sa kasamaan.
11 Kung susunod sila at maglilingkod sa kanya, buong buhay silang mamumuhay sa kasaganaan at kaligayahan.
12 Pero kung hindi sila susunod, mamamatay sila sa digmaan na kapos sa kaalaman.
13 “Ang mga taong hindi makadios ay nagkikimkim ng galit sa puso, at kahit na pinaparusahan na sila ng Dios, hindi pa rin sila humihingi ng tulong sa kanya.
14 Mamamatay silang kahiya-hiya habang bata pa.
15 Pero sa pamamagitan ng mga paghihirap, tinuturuan ng Dios ang mga tao. Natututo silang makinig sa kanya sa pamamagitan ng mga pagdurusa.
16 “Inilalayo ka ng Dios sa panganib at binibigyan ng kalayaan at kasaganaan. At mapupuno ng masasarap na pagkain ang iyong hapag-kainan.
17 Pero ngayong nararanasan mo ang parusang nararapat sa masasama, hindi ka na makakaiwas sa katarungan.
18 Mag-ingat ka, baka matukso ka sa kayamanan at mailigaw ng malalaking suhol.
19 Makakatulong kaya sa iyong paghihirap ang mga kayamanan moʼt kakayahan?
20 Huwag mong hahanapin ang gabi, ang panahon ng kapahamakan ng mga bansa.
21 Mag-ingat kaʼt huwag gumawa ng masama. Pinahihirapan ka para makaiwas sa kasamaan.
22 “Alalahanin mong ang Dios ay tunay makapangyarihan. Walang guro na katulad niya.
23 Walang makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, at walang makapagsasabing nagkamali siya.
24 Huwag mong kalimutang purihin ang kanyang mga ginawa gaya ng ginagawa ng iba sa kanilang pag-awit.
25 Nakita ng lahat ang kanyang mga gawa, kahit tinitingnan ito mula sa malayo.
26 Tunay na makapangyarihan ang Dios at hinding-hindi natin kayang unawain ang kanyang kadakilaan. Kahit ang kanyang mga taon ay hindi natin mabibilang.
27 “Ang Dios ang nagpapaakyat ng tubig mula sa lupa at ginagawa niyang ulan.
28 Bumubuhos ang ulan mula sa ulap para sa mga tao.
29 Walang nakakaalam kung paano kumakalat ang ulap, at kung paano kumukulog sa langit kung saan nananahan ang Dios.
30 Masdan mo kung paano niya pinakikidlat sa kanyang paligid, at kung paano nito pinaliliwanag hanggang sa dulo ng dagat.
31 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, pinamumunuan niya ang mga bansa at binibigyan ng saganang pagkain ang mga tao.
32 Hinahawakan niya ang kidlat at inuutusang tamaan ang sinumang nais niyang patamaan.
33 Ang kulog ay nagpapahiwatig na may bagyong paparating, kahit mga hayop ay alam na itoʼy darating.