1 Sinabi pa ni Elihu,
2 “Akala mo baʼy tama ka sa pagsasabing wala kang kasalanan sa harap ng Dios?
3 Pero tinatanong mo rin, ‘Anong pakinabang ko kung akoʼy hindi gagawa ng kasalanan?’
4 “Sasagutin kita pati na ang iyong mga kaibigan.
5 Tumingin ka sa langit at tingnan mo kung gaano kataas ang ulap.
6 Kung magkasala ka, hindi iyon makakaapekto sa Dios, kahit patuloy ka pang magkasala.
7 Kung matuwid ka, ano naman ang kabutihang maibibigay nito sa Dios?
8 Ang maaapektuhan lamang sa ginagawa mong mabuti o masama ay ang iyong kapwa.
9 “Ang mga inaapi ay humihingi ng tulong na iligtas sila sa kamay ng mga makapangyarihang tao.
10 Pero hindi sila tumatawag sa Dios na lumikha sa kanila at nagbibigay ng kalakasan sa panahon ng paghihirap.
11 Hindi sila lumalapit sa Dios na nilikha silang higit na marunong kaysa sa mga hayop at ibon.
12 At kung mananalangin sila, hindi sila sinasagot ng Dios dahil mayayabang sila at masasamang tao.
13 Tunay ngang hindi dinidinig ng Makapangyarihang Dios ang walang kabuluhang paghingi nila ng tulong.
14 Job, lalo ka lang niyang hindi pakikinggan kung sasabihin mong hindi mo nakikita ang kanyang tulong nang idinulog mo ang iyong kalagayan, at pinaghihintay ka lang.
15 Sinabi mo rin na hindi nagpaparusa ang Dios kahit galit siya, at hindi niya pinapansin ang kasamaang ginagawa ng tao.
16 Job, walang saysay ang sinasabi mo. Talagang malinaw na hindi mo alam ang iyong sinasabi.”