1 Nagsalita si Elifaz na taga-Teman. Sinabi niya,
2 “Magagalit ka ba kung magsasalita ako? Hindi ko na kayang manahimik.
3 Noon, pinapayuhan mo ang maraming tao na magtiwala sa Dios, at pinalalakas ang mahihina at nanlulupaypay.
4 Ang mga salita moʼy nagpalakas sa kanila at umalalay sa mga nanghihina.
5 Pero ngayong ikaw na ang dumaranas ng kahirapan, tila ikaw ang nanghihina at naguguluhan.
6 Hindi baʼt kapag may takot ka sa Dios at namumuhay ka ng matuwid, magdudulot ito sa iyo ng tiwalaʼt pag-asa?
7 “Ngayon, isipin mong mabuti. May tao bang matuwid at walang kasalanan na napahamak?
8 Ayon sa aking nakitaʼt nalaman, ang mga taong gumagawa ng kasamaan at kaguluhan, kasamaan at kaguluhan din ang kanilang kahahantungan.
9 Sa isang bugso lamang ng galit ng Dios, mapapahamak sila.
10 Kahit na silaʼy tulad ng malakas at mabangis na leon, tatanggalin pa rin ang kanilang mga ngipin.
11 Mamamatay sila dahil sa gutom at ang mga anak nila ay mangangalat.
12 “May sinabi sa akin nang palihim. Ibinulong ito sa akin
13 sa pamamagitan ng panaginip. Gabi iyon habang ang mga taoʼy mahimbing na natutulog.
14 Natakot ako at nanginig ang buo kong katawan.
15 May espiritu na dumaan sa aking harap at tumayo ang mga balahibo ko at kinilabutan ako.
16 Huminto ito, pero hindi ko gaanong maaninag. At may narinig akong mahinang tinig na nagsasabi,
17 ‘Mayroon bang taong matuwid o malinis sa paningin ng Dios na kanyang Manlilikha?
18 Kung mismong sa mga anghel na lingkod niya ay hindi siya lubusang nagtitiwala, at nakakakita siya ng kamalian nila,
19 di lalo na sa taong nilikha lamang mula sa lupa, na madaling pisain katulad ng gamo-gamo!
20 Ang taoʼy maaaring buhay pa sa umaga pero kinagabihaʼy patay na at hindi na makikita magpakailanman.
21 Para silang mga toldang bumagsak. Namatay sila nang kulang sa karunungan.’