1 Sumagot si Job,
2 “Ang akala mo baʼy natulungan mo ang walang kakayahan at nailigtas ang mahihina?
3 Ang akala mo baʼy napayuhan mo ang kapos sa karunungan sa pamamagitan ng iyong karunungan?
4 Saan ba nanggaling ang mga sinasabi mong iyan? Sinong espiritu ang nagturo sa iyo na sabihin iyan?
5 “Nanginginig sa takot ang mga patay sa kinalalagyan nila sa ilalim ng tubig.
6 Lantad sa paningin ng Dios ang lugar ng mga patay. Hindi maitatago ang lugar na iyon ng kapahamakan.
7 Inilatag ng Dios ang hilagang kalangitan sa kalawakan at isinabit ang mundo sa kawalan.
8 Ibinabalot niya ang ulan sa makakapal na ulap, pero hindi ito napupunit gaano man kabigat.
9 Tinatakpan niya ng makapal na ulap ang bilog na buwan.
10 Nilagyan niya ng hangganan ang langit at dagat na parang hangganan din ng liwanag at dilim.
11 Sa pagsaway niya ay nayayanig ang mga haligi ng langit.
12 Sa kanyang kapangyarihan ay pinaaalon niya ang dagat; sa kanyang karunungan ay tinalo niya ang dragon na si Rahab.
13 Sa pamamagitan ng pag-ihip niya ay umaaliwalas ang langit, at sa kanyang kapangyarihan pinatay niya ang gumagapang na dragon.
14 Mga simpleng bagay lang ito para sa kanya. Parang isang bulong lang na ating napakinggan. Sino ngayon ang makakaunawa sa kapangyarihan ng Dios?”