1 “Bakit hindi pa itakda ng Dios na Makapangyarihan ang kanyang paghatol sa masasamang tao? Bakit hindi makita ng mga nakakakilala sa kanya ang panahong iyon ng paghatol?
2 Nangangamkam ng lupain ang masasamang tao sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon. Nagnanakaw sila ng mga hayop at isinasama sa sarili nilang mga hayop.
3 Ninanakaw nila ang mga asno ng mga ulila, at kinukuha nila ang baka ng biyuda bilang sangla sa utang.
4 Inaapi nila ang mga dukha kaya napipilitang magtago ang mga ito.
5 Naghahanap sila ng kanilang pagkain sa ilang na parang mga asnong-gubat, dahil wala silang ibang lugar na mapagkukunan ng pagkain para sa kanilang mga anak.
6 Namumulot sila ng mga tirang bunga sa mga bukid, pati na sa ubasan ng taong masama.
7 Sa gabiʼy natutulog silang giniginaw dahil wala silang damit o kumot man lamang.
8 Nababasa sila ng ulan sa mga kabundukan, at sumisiksik na lang sa mga siwang ng bato dahil walang masilungan.
9 “Kinukuha ng taong masasama ang anak ng biyuda at babaeng dukha bilang garantiya sa pagkakautang nila.
10 Lumalakad na walang damit ang mga dukha; tagapasan sila ng mga inaning trigo, pero silaʼy nagugutom.
11 Pumipiga sila ng mga olibo at ubas, pero sila mismo ay nauuhaw.
12 Naririnig sa lungsod ang daing ng mga nag-aagaw buhay at mga sugatang humihingi ng tulong, pero hindi ginagantihan ng Dios ang mga gumawa nito sa kanila.
13 “May mga taong kumakalaban sa liwanag. Hindi sila lumalakad sa liwanag at hindi nila ito nauunawaan.
14 Ang mga mamamatay-tao ay bumabangon ng maaga at pinapatay ang mga dukha, at sa gabi namaʼy nagnanakaw.
15 Ang mangangalunyaʼy naghihintay na dumilim para walang makakita sa kanya. Tinatakpan niya ang kanyang mukha para walang makakilala sa kanya.
16 Sa gabi, pinapasok ng mga magnanakaw ang mga bahay. Sa araw, nagtatago sila dahil umiiwas sila sa liwanag.
17 Itinuturing nilang liwanag ang dilim, dahil gusto nila ang nakakatakot na kadiliman.”
18 “Pero ang masasama ay hindi magtatagal, gaya ng bula sa tubig. Kahit na ang lupa na kanilang pag-aari ay isinumpa ng Dios. Kaya walang pumaparoon kahit sa kanilang ubasan.
19 Kung paanong ang yelo ay natutunaw at nawawala dahil sa init, ang makasalanan ay mawawala rin sa daigdig.
20 Lilimutin na sila at hindi na maaalala kahit ng kanilang ina. Lilipulin sila na parang punongkahoy na pinutol at kakainin sila ng mga uod.
21 Sapagkat hindi maganda ang pakikitungo nila sa mga babaeng baog at hindi sila nahahabag sa mga biyuda.
22 “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, ibabagsak niya ang mga taong makapangyarihan. Kahit na malakas sila, walang katiyakan ang buhay nila.
23 Maaaring hayaan sila ng Dios na mamuhay na walang panganib, pero binabantayan niya ang lahat ng kilos nila.
24 Maaari rin silang magtagumpay, pero sandali lang iyon dahil hindi magtatagal ay mawawala sila na parang bulaklak na nalalanta o parang uhay na ginapas.
25 “Kung hindi tama ang sinabi ko, sinong makapagpapatunay na sinungaling ako? Sino ang makapagsasabing mali ako?”