1 “Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing-gubat? Nakakita ka na ba ng usa na nanganganak?
2 Binibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang pagbubuntis hanggang sa sila ay manganak? At alam mo rin ba kung kailan sila manganganak?
3 Nakayukyok silaʼt nagtitiis ng hirap hanggang sa makapanganak.
4 Paglaki ng kanilang mga anak sa kagubatan, umaalis sila at hindi na bumabalik.
5 “Sino ang nagpalaya sa asnong-gubat?
6 Ibinigay ko sa kanya ang ilang para kanyang tirhan, pinatira ko siya sa lupaing pinabayaan.
7 Lumalayo siya sa maingay na bayan at ayaw niyang siya ay mapaamo.
8 Paikot-ikot siya sa mga kabundukan para maghanap ng sariwang pastulan.
9 “Mapagtatrabaho mo ba ang bakang-gubat? Mapapanatili mo kaya siya sa kanyang kulungan kung gabi?
10 Matatalian mo kaya siya at mapag-aararo sa iyong bukid?
11 Makakaasa ka kaya sa lakas niya para gawin ang mabibigat na gawain?
12 Maaasahan mo kaya siyang tipunin at hakutin ang iyong ani papunta sa giikan?
13 “Napakagandang tingnan ng pakpak ng malaking ibong kapag itoʼy pumapagaspas, pero hindi nito mapantayan ang ganda ng pakpak ng tagak.
14 Iniiwanan ng malaking ibong ito ang kanyang mga itlog sa lupa para mainitan.
15 Hindi siya nag-aalalang baka matapakan ito o madaganan ng mga hayop sa gubat.
16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw, parang hindi kanya kung ituring. Hindi siya nag-aalala na ang pinaghirapan niya ay mawawalan ng kabuluhan.
17 Sapagkat hindi ko siya binigyan ng karunungan at pang-unawa.
18 Pero kapag tumakbo na siya, tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.
19 “Job, ikaw ba ang nagbibigay ng lakas sa kabayo? Ikaw din ba ang naglagay ng kanyang kiling?
20 Ikaw ba ang nagpapalukso sa kanya gaya ng isang balang at nagpapatakot sa mga tao kapag siya ay sumisinghal?
21 Kumakahig siya sa lupa na parang ipinagmamalaki ang kanyang lakas. Pagkatapos ay tumatakbo siya papunta sa digmaan.
22 Wala siyang kinatatakutan, ni hindi siya natatakot sa espada.
23 Kumakalansing at kumikislap ang mga sandata ng sumasakay sa kanya.
24 Lumilipad ang alikabok sa bilis ng kanyang pagtakbo. Hindi na siya mapigilan kapag tumunog na ang trumpeta.
25 Sumisinghal siya kapag naririnig ang trumpeta. Naaamoy niya ang digmaan kahit sa malayo, at naririnig niya ang ingay ng digmaan at ang sigaw ng mga kumander.
26 “Ikaw ba ang nagtuturo sa lawin na lumipad at pumunta sa timog?
27 Ikaw ba ang nag-uutos sa agila na lumipad at gumawa ng kanyang pugad sa mataas na dako?
28 Nakatira ang agila sa mataas na bato. Ang matarik na lugar ang kanyang taguan.
29 Mula roon naghahanap siya ng madadagit, kahit ang malayo ay naaabot ng kanyang paningin.
30 At kapag may nakita siyang bangkay ay pinupuntahan niya, at ang dugo nito ang iniinom ng kanyang mga inakay.”