1 Sumagot si Job,
2 “Totoo ang sinabi mo. Pero paano mapapatunayan ng tao na wala siyang kasalanan sa harapan ng Dios?
3 Kahit na makipagtalo pa siya sa Dios sa hukuman, wala siyang magagawa, dahil sa isang libong katanungan ng Dios, hindi niya masasagot isa man sa mga ito.
4 Marunong at makapangyarihan ang Dios. Sino ang nakipaglaban sa kanya at nagtagumpay?
5 “Walang anu-anoʼy pinauuga niya ang mga bundok at natitibag ito sa tindi ng kanyang galit.
6 Niyayanig niya ang lupa at ang mga pundasyon nito ay nauuga.
7 Kapag inutusan niya ang araw o ang mga bituin, hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag.
8 Tanging siya lang ang nakapaglalatag ng langit at nakapagpapatigil ng alon.
9 Siya ang manlilikha ng grupo ng mga bituin na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades, at mga bituin sa katimugan.
10 Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin.
11 Kapag dumadaan siya sa tabi ko, hindi ko siya nakikita o nararamdaman.
12 Kung may gusto siyang kunin, walang makakapigil sa kanya. At sino ang makakapagreklamo sa mga ginagawa niya?
13 Hindi pinipigil ng Dios ang kanyang galit. Kahit ang mga katulong ng dragon na si Rahab ay yumuyukod sa takot sa kanya.
14 Kaya papaano ko ipagtatanggol ang sarili ko sa Dios? Ano ang mga salitang maaari kong gamitin para makipagtalo sa kanya?
15 Kahit na wala akong kasalanan, hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko. Ang magagawa ko lamang ay magmakaawa sa Dios na aking Hukom.
16 Kahit hilingin kong magkausap kami at pumayag siya, hindi pa rin niya ako pakikinggan.
17 Sapagkat pinapahirapan niya ako na parang sinasalanta ng bagyo, at dinadagdagan pa niya ang paghihirap ko nang walang dahilan.
18 Halos malagot na ang aking hininga dahil sa paghihirap na idinulot niya sa akin.
19 Kung lakas ang pag-uusapan walang tatalo sa kanya! At kung sa hukuman idadaan, sinong makapaghahabla sa kanya?
20 Kahit na wala akong kasalanan, paparusahan pa rin ako dahil sa mga sinabi ko.
21 Kahit na wala akong kapintasan, wala na itong halaga sa akin ngayon. Kinamumuhian ko na ang aking buhay.
22 Pareho lang naman ang kapalaran ng matuwid at masama. Lahat sila ay mamamatay.
23 Kapag biglang namatay sa kalamidad ang matuwid, natatawa lang siya.
24 Ipinagkatiwala niya ang mundo sa masasama. Tinatakpan niya ang mata ng mga hukom para hindi sila humatol ng tama. Kung hindi siya ang gumagawa nito, sino pa kaya?
25 “Madaling lumipas ang mga araw sa buhay ko; mas mabilis pa ito kaysa sa mananakbo. Lumilipas ito nang walang nakikitang kabutihan.
26 Dumadaan ito na kasimbilis ng isang matuling sasakyang pandagat o ng agilang dumadagit ng pagkain.
27 Kahit tumigil na ako sa pagdaing at pagdadalamhati at akoʼy ngumiti na,
28 nananaig pa rin sa akin ang takot sa mga paghihirap na maaaring dumating sa akin. Dahil alam kong hindi niya ako ituturing na walang kasalanan.
29 Yaman din lamang na itinuring na niya akong may kasalanan, wala nang halaga na ipagtanggol ko pa ang aking sarili.
30 Kahit sabunan ko pa ang aking buong katawan para luminis,
31 ilulubog pa rin niya ako sa maputik na hukay, upang kahit ang sarili kong damit ay ikahiya ako.
32 Hindi tao ang Dios na katulad ko; hindi ko siya kayang sagutin o isakdal man sa hukuman.
33 Mayroon sanang mamagitan sa amin para pagkasunduin kaming dalawa,
34 at mapatigil sana niya ang pagpalo ng Dios sa akin, para hindi na ako matakot.
35 Kung magkagayoʼy makakausap ko na ang Dios nang walang takot, pero sa ngayon hindi ko pa ito magagawa.”