1 Pagkatapos, sinabi ni Job,
2 “Hanggang ngayoʼy labis pa rin ang hinaing ko. Pinahihirapan pa rin ako ng Dios sa kabila ng labis kong pagdaing.
3 Kung alam ko lang kung saan ko siya hahanapin; kung makakapunta lang sana ako sa kinaroroonan niya,
4 sasabihin ko sa kanya ang aking kaso at ilalahad ang aking katuwiran.
5 Gusto kong malaman kung ano ang isasagot niya sa akin at gusto ko ring maintindihan ang sasabihin niya.
6 Makikipagtalo kaya siya sa akin gamit ang kapangyarihan niya? Hindi! Hindi niya iyon gagawin, kundi pakikinggan niya ako.
7 Ang taong matuwid na tulad ko ay maaaring mangatuwiran sa harap ng Dios na aking hukom, at palalayain niya ako nang lubusan.
8-9 “Hinanap ko ang Dios sa kung saan-saan – sa silangan, kanluran, hilaga, at timog, pero hindi ko siya matagpuan.
10 Ngunit alam niya ang ginagawa ko. Pagkatapos na masubukan niya ako, makikita niyang malinis ako tulad ng lantay na ginto.
11 Sinunod ko ang kanyang mga pamamaraan; hindi ko ito sinuway.
12 Sinusunod ko ang kanyang mga utos, at iniingatan ko ito sa aking puso. Pinahahalagahan ko ang mga salita niya ng higit pa sa pang-araw-araw na pagkain ko.
13 “Pero malaya ang Dios na gawin ang nais niyang gawin; walang sinumang makahahadlang sa kanya.
14 Kaya gagawin niya ang binabalak niyang gawin sa akin, at marami pa siyang planong gagawin sa akin.
15 Kaya natatakot ako sa kanya. At kapag iniisip ko ito, lalo akong natatakot.
16 Pinanghihina ako at tinatakot ng Makapangyarihang Dios.
17 Pero hindi ako tumigil sa pagdaing kahit na para akong nababalutan ng kadiliman.