1 Pagkatapos, sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipu-ipo, sinabi niya,
2 “Sino ka na nag-aalinlangan sa aking karunungan? Ang mga sinasabi moʼy nagpapatunay lang na wala kang nalalaman.
3 Humanda ka. Sagutin mo ang aking mga tanong.
4 “Nasaan ka noong nilikha ko ang pundasyon ng daigdig? Kung talagang may alam ka, sabihin mo sa akin.
5 Alam mo ba kung sino ang nagpasya ng magiging lawak ng pundasyon at sukat nito?
6 Sino ang may hawak ng pundasyon ng mundo? At sino ang naglagay ng pundasyon na ito
7 habang sama-samang umaawit ang mga bituin sa umaga at nagsisigawan sa tuwa ang lahat ng anghel?
8 “Sino ang naglagay ng hangganan sa dagat nang bumulwak ito mula sa kailaliman?
9 Ako ang naglagay ng makapal na ulap at kadiliman bilang takip ng dagat.
10 Nilagyan ko ng hangganan ang dagat; parang pintuang isinara at nilagyan ng trangka.
11 Sinabihan ko ang dagat, ‘Hanggang dito ka lang at huwag kang lalampas; hanggang dito lang ang malalaki mong alon.’
12 “Minsan ba sa buhay mo Job ay nautusan mo ang umaga na magbukang-liwayway
13 para ang ningning nito ay lumiwanag sa buong mundo at mapatigil ang kasamaang ginagawa kapag madilim?
14 At dahil sa sikat ng araw, ang daigdig ay malinaw na nakikita katulad ng marka ng pantatak at lukot ng damit.
15 Ang liwanag ay nakakapigil sa masasama, dahil hindi sila makakagawa ng karahasan sa iba.
16 “Ikaw baʼy nakapunta na sa mga bukal na nasa ilalim ng dagat o sa pinakamalalim na bahagi ng dagat?
17 Naipakita na ba sa iyo ang mga pintuan patungo sa lugar ng mga patay?
18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo? Sabihin mo sa akin kung alam mo ang lahat ng ito!
19 “Alam mo ba kung saan nanggaling ang liwanag at dilim?
20 At kaya mo ba silang pabalikin sa kanilang pinanggalingan?
21 Oo nga pala, alam mo ang lahat ng ito dahil ipinanganak ka na bago pa likhain ang mga ito at matagal na panahon ka nang nabubuhay!
22 “Nakapunta ka na ba sa lugar na pinanggagalingan ng nyebe o ulan na yelo?
23 Ang mga yelong itoʼy inihahanda ko para sa panahon ng kaguluhan at digmaan.
24 Alam mo ba ang daan patungo sa lugar na pinanggagalingan ng kidlat, o sa lugar na pinanggagalingan ng hanging silangan?
25 Sino nga ba ang gumawa ng dadaanan ng ulan at ng bagyo?
26 Sino nga ba ang nagpapadala ng ulan sa disyerto, sa lugar na walang nakatirang tao?
27 Sino ang nagpapadala ng ulan sa ilang para tumubo ang mga damo?
28 Sino ang ama ng ulan, ng hamog,
29 at ng yelong mula sa langit?
30 Ang tubig ay nagyeyelo na kasingtigas ng bato, pati na ang itaas na bahagi ng dagat.
31 “Kaya mo bang talian o kalagan ng tali ang grupo ng mga bituin na tinatawag na Pleyades at Orion?
32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin na lumabas sa tamang oras? Maituturo mo ba sa grupo ng mga bituing tinatawag na Malaki at Maliit na Oso ang kanilang daan?
33 Alam mo ba ang mga tuntuning umiiral sa kalangitan? Ito kayaʼy mapapairal mo rito sa mundo?
34 “Mauutusan mo ba ang ulap na umulan?
35 Mauutusan mo ba ang kidlat na kumislap? Mapapasunod mo kaya ito?
36 Sino ang nagbibigay ng karunungan at pang-unawa ng tao?
37 Sinong napakarunong ang makakabilang ng mga ulap? Sinong makakapagbuhos ng tubig mula sa langit
38 upang ang mga tuyong alikabok ay maging buo-buong putik?
39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon para sila ay mabusog
40 habang silaʼy nagtatago sa kanilang lungga o sa maliliit na punongkahoy?
41 Sino ang nagpapakain sa mga uwak kapag silaʼy nagugutom at kapag ang mga inakay nilaʼy humihingi ng pagkain sa akin?