3 Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job dahil hindi nila napatunayang nagkasala si Job at lumalabas pa na ang Dios ang may kasalanan.
4 At dahil mas matanda sila kaysa kay Elihu, naghintay muna si Elihu na matapos silang magsalita bago siya nagsalita kay Job.
5 Pero nang wala ng masabi ang tatlo, nagalit siya.
6 Kaya sinabi niya, “Bata pa ako at kayoʼy matatanda na, kaya nag-aatubili akong magsalita. Hindi ako nangahas na magsalita sa inyo tungkol sa nalalaman ko.
7 Ang akala ko ay kayo ang dapat magturo dahil matatanda na kayo at maraming nalalaman.
8 Pero ang totoo, ang espiritu ng Dios na Makapangyarihan na nasa tao, ang siyang nagbibigay ng pang-unawa.
9 Ang katandaan ay hindi garantiya ng karunungan at kaalaman kung ano ang tama.