4 Pumunta siya sa dating pinagtayuan niya ng altar, at doon sumamba kay Yahweh.
5 Si Lot, na kasa-kasama ni Abram ay marami na ring tupa, kambing at baka. Mayroon na rin siyang sariling pamilya at mga tauhan.
6-7 Dahil napakarami na ng kanilang mga hayop, hindi na sapat ang pastulan para sa mga kawan nina Abram at Lot. Kaya't madalas nag-aaway ang mga pastol nila. Nang panahon ding iyon, ang mga Cananeo at Perezeo ay naninirahan pa sa lugar na iyon.
8 Kinausap ni Abram si Lot, “Hindi tayo dapat mag-away, at ang mga tauhan natin, sapagkat magkamag-anak tayo.
9 Mabuti pa'y maghiwalay tayo. Mamili ka: Kung gusto mo sa kaliwa, sa kanan ako; kung gusto mo sa kanan, sa kaliwa ako.”
10 At nang iginala ni Lot ang kanyang paningin, nakita niyang ang Kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, tulad ng halamanan ni Yahweh at ng lupain ng Egipto. Nangyari ito noong hindi pa natutupok ang Sodoma at Gomorra.
11 Kaya pinili niya ang dakong silangan sa Kapatagan ng Jordan, at naghiwalay nga sila ni Abram.