Genesis 25 RTPV05

Mga Iba pang Lahi ni Abraham

1 Muling nag-asawa si Abraham at ang pangalan ng babae ay Ketura.

2 Ang mga anak niya rito ay sina Zimran, Jocsan, Medan, Midian, Isbak at Suah.

3 Si Jocsan ang ama nina Seba at Dedan. Kay Dedan nagmula ang mga Asurim, Letusim at Leumim.

4 Ang mga anak naman ni Midian ay sina Efa, Efer, Enoc, Abida at Eldaa. Lahat sila'y buhat kay Ketura.

5 Kay Isaac ipinamana ni Abraham ang lahat niyang ari-arian.

6 Ngunit bago siya namatay, pinagbibigyan na niya ng regalo ang mga anak niya sa ibang asawa, at pinapunta sa lupain sa dakong silangan para mapalayo kay Isaac.

Namatay si Abraham

7 Si Abraham ay nabuhay nang 175 taon.

8 Matandang-matanda na siya nang mamatay.

9 At inilibing siya nina Isaac at Ismael sa yungib ng Macpela sa silangan ng Mamre, sa parang na dating kay Efron, anak ni Zohar na Heteo.

10 Ang lugar na iyon ang binili ni Abraham sa mga Heteo at doon sila nalibing ni Sara.

11 Pagkamatay ni Abraham, pinagpala ng Diyos si Isaac. Doon siya tumira sa Beer-lahai-roi.

Ang Lahi ni Ismael

12 Ito naman ang lahi ni Ismael na anak ni Abraham kay Hagar, ang taga-Egiptong alipin ni Sara.

13 Si Nebayot ang panganay, sumunod sina Kedar, Abdeel at Mibsam.

14 Sumunod sina Misma, Duma at Massa;

15 pagkatapos ay sina Hadad, Tema, Jetur, Nafis at Kedema.

16 Sila ang labindalawang anak ni Ismael na naging pinuno ng kani-kanilang lipi. Isinunod sa kanilang mga pangalan ang mga bayan at pinagkampuhan ng kani-kanilang mga lipi.

17 Namatay si Ismael sa gulang na 137 taon, at siya'y inilibing.

18 Ang lahi ni Ismael ay tumira sa lupain sa pagitan ng Havila at Shur, sa daang patungo sa Asiria sa silangan ng Egipto. Nakabukod sila sa ibang mga lipi ni Abraham.

Ipinanganak sina Esau at Jacob

19 Ito naman ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham.

20 Apatnapung taon na si Isaac nang mapangasawa niya si Rebeca, anak na dalaga ni Bethuel, isang Arameong taga-Mesopotamia. Si Rebeca'y kapatid ni Laban, isa ring Arameo.

21 Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi.

22 Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh.

23 Ganito naman ang sagot ni Yahweh:“Dalawang sanggol ang dala mo sa loob ng iyong tiyan,larawan ng dalawang bansa na magiging magkalaban;magiging higit na malakas ang mas bata kaysa sa nauna,kaya maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid.”

24 Dumating ang panahon at nanganak nga siya ng kambal.

25 Mamula-mula ang kutis at mabalahibo ang katawan ng panganay, kaya't Esau ang ipinangalan dito.

26 Nang lumabas ang pangalawa, nakahawak ito sa sakong ng kanyang kakambal, kaya Jacob naman ang itinawag sa kanya. Animnapung taon si Isaac noon.

Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Karapatan

27 Lumaki ang mga bata. Naging mahusay na mangangaso si Esau at sa kaparangan na halos tumitira. Si Jacob naman ay tahimik at lagi sa bahay.

28 Higit ang pagtingin ni Isaac kay Esau, palibhasa'y kinawiwilihan niyang kainin ang mga nahuhuli nito sa pangangaso, samantalang si Jacob naman ang mas mahal ni Rebeca.

29 Minsan, si Jacob ay nagluluto ng sinabawang pulang patani; siya namang pagdating ni Esau mula sa pangangaso.

30 Sinabi niya, “Gutom na gutom na ako, bigyan mo naman ako niyang mapulang niluluto mo.” At dahil dito'y tinawag siyang Edom.

31 Sumagot si Jacob, “Ibigay mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay.”

32 “Payag na ako,” sabi ni Esau, “aanhin ko pa ang pagiging panganay kung mamamatay naman ako sa gutom?”

33 “Kung gayon,” sabi ni Jacob, “sumumpa ka muna.” Sumumpa nga si Esau, at ibinigay kay Jacob ang karapatan ng pagiging panganay.

34 Ibinigay naman ni Jacob kay Esau ang niluto niyang gulay at binigyan pa ito ng tinapay. Matapos kumai't uminom, umalis na agad si Esau. Iyon lamang ang halaga sa kanya ng kanyang karapatan bilang panganay.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50