1 Sinabi ng Diyos kay Jacob, “Pumunta ka sa Bethel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ng altar ang Diyos na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau.”
2 Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo.
3 Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saanman at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.”
4 Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem.
5 Ang mga tao sa mga karatig-bayan ay natakot kay Jacob at sa kanyang mga anak na lalaki, kaya't walang nangahas humabol sa kanila nang sila'y umalis.
6 Nang dumating sila sa Luz, sa lupain ng Canaan,
7 gumawa siya ng altar at tinawag niyang El-Bethel ang lugar na iyon, sapagkat doon nagpakita sa kanya ang Diyos nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid.
8 Namatay si Debora, ang nag-alaga kay Rebeca, at inilibing sa tabi ng malaking puno sa gawing timog ng Bethel. At ang dakong iyo'y tinawag na “Roble ng Pagluha.”
9 Pagbalik ni Jacob mula sa Mesopotamia, muling nagpakita sa kanya ang Diyos at siya'y binasbasan,
10 “Jacob ang pangalan mo, ngunit mula ngayon, Israel na ang itatawag sa iyo.”
11 Sinabi pa sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Diyos; magkakaroon ka ng maraming anak. Darami ang iyong mga lahi at sa kanila'y may mga magiging hari. Magmumula sa lahi mo ang maraming bansa.
12 Ang mga lupaing aking ipinangako kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak.”
13 At iniwan siya ng Diyos.
14 Naglagay si Jacob ng batong palatandaan sa lugar na pinagtagpuan nila. Binuhusan niya ito ng langis at alak bilang tanda na ito'y ukol sa Diyos.
15 Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon.
16 Umalis sila sa Bethel. Nang sila'y malapit na sa Efrata, naramdaman ni Raquel na manganganak na siya at napakatindi ng kanyang hirap.
17 Sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, lalaki na naman ang isisilang mo.”
18 Nasa bingit na siya ng kamatayan, at bago siya nalagutan ng hininga, ang sanggol ay tinawag niyang Benoni, ngunit Benjamin naman ang ipinangalan ni Jacob.
19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daang patungo sa Efrata na ngayon ay Bethlehem.
20 Ang puntod ay nilagyan ni Jacob ng batong pananda at hanggang ngayo'y makikita pa rin ang panandang iyon sa puntod ni Raquel.
21 Nagpatuloy ng paglalakbay si Israel at nagkampo sa kabilang panig ng tore ng Eder.
22 Samantalang sina Israel ay nasa lupaing iyon, sumiping si Ruben kay Bilha na isa sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Nalaman ito ni Israel.Labindalawa ang mga anak na lalaki ni Jacob:
23 kay Lea, ang naging anak niya'y sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun;
24 kay Raquel, si Jose at si Benjamin;
25 kay Bilha na alipin ni Raquel, si Dan at si Neftali;
26 kay Zilpa naman na alipin ni Lea, ang naging anak niya'y sina Gad at Asher. Sa Mesopotamia ipinanganak ang lahat ng ito.
27 Dumalaw si Jacob sa kanyang amang si Isaac sa Mamre, na tinatawag ding Lunsod ng Arba o Hebron. Dito rin tumira si Abraham.
28 Si Isaac ay 180 taon
29 nang mamatay at mamahinga sa piling ng kanyang mga ninuno. Siya'y inilibing nina Esau at Jacob.