1 Nagpakita si Yahweh kay Abraham sa may tabi ng mga sagradong puno ni Mamre. Noo'y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda.
2 Walang anu-ano'y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo sa di kalayuan. Patakbo niyang sinalubong ang mga ito, at sa kanila'y yumuko nang halos sayad sa lupa ang mukha,
3 at sinabi, “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, tumuloy po muna kayo sa amin.
4 Magpahinga muna kayo rito sa lilim ng puno, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa.
5 Ipaghahanda ko na rin kayo ng makakain para lumakas kayo bago kayo maglakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”Sila'y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.”
6 Dali-daling pumasok sa tolda si Abraham at sinabi kay Sara, “Dali, kumuha ka ng tatlong takal ng magandang harina, at gumawa ka ng tinapay.”
7 Pumili naman si Abraham ng isang matabang guya mula sa kawan, at ipinaluto kaagad sa isang alipin.
8 Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito.
9 Tinanong nila si Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?”“Naroon po sa tolda,” sagot naman niya.
10 Sinabi ng isa sa mga panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya.”Noon ay kasalukuyang nakikinig si Sara sa may pintuan ng tolda sa likuran ng panauhin.
11 Ang mag-asawang Abraham at Sara ay parehong matanda na at hindi na nga dinaratnan si Sara.
12 Lihim na natawa si Sara at nagwika sa sarili, “Ngayong ako'y matanda na pati ang aking asawa, masisiyahan pa kaya ako sa pakikipagtalik?”
13 “Bakit natawa si Sara, at nagsabing kung kailan pa siya tumanda saka siya magkakaanak?” tanong ni Yahweh kay Abraham.
14 “Mayroon bang hindi kayang gawin si Yahweh? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko'y may anak na siya.”
15 Dahil sa takot, nagkaila si Sara at ang wika, “Hindi po ako tumawa.”Ngunit sinabi niya, “Huwag ka nang magkaila, talagang tumawa ka.”
16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma.
17 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin,
18 sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.
19 Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.”
20 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan.
21 Kaya't bababâ ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila.”
22 Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham.
23 Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama?
24 Sakali pong may limampung mabubuting tao sa lunsod, wawasakin pa rin ba ninyo iyon? Hindi po ba ninyo patatawarin ang lunsod alang-alang sa limampung iyon?
25 Naniniwala po akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at ang mabuti. Hindi ninyo magagawa iyon! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!”
26 At sumagot si Yahweh, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa limampung mabubuting tao.”
27 “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, sapagkat ako'y isang hamak na tao lamang.
28 Kung wala pong limampu, at apatnapu't lima lamang ang mabubuti, wawasakin pa rin ba ninyo ang lunsod?”“Hindi, hindi ko wawasakin alang-alang sa apatnapu't limang iyon,” tugon ni Yahweh.
29 Nagtanong muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?”“Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya.
30 “Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa ako. Kung tatlumpu lamang ang mabuting tao roon, wawasakin ba ninyo?”Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa tatlumpung iyon.”
31 Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu na lamang ang mabubuting tao roon?”“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa dalawampung iyon,” muling sagot sa kanya.
32 Sa huling pagkakataon ay nagtanong si Abraham, “Ito na po lamang ang itatanong ko: Paano po kung sampu lamang ang mabubuting tao roon?”“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa sampung iyon,” sagot ni Yahweh.
33 Pagkasabi nito, umalis na si Yahweh at umuwi naman si Abraham.