Genesis 42 RTPV05

Nagpunta sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose

1 Nang mabalitaan ni Jacob na maraming pagkain sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak na lalaki, “Ano pang hinihintay ninyo?

2 Pumunta kayo sa Egipto at bumili agad ng pagkain upang hindi tayo mamatay sa gutom. Balita ko'y maraming pagkain doon.”

3 Pumunta nga sa Egipto ang sampung kapatid ni Jose upang bumili ng pagkain.

4 Si Benjamin, ang tunay na kapatid ni Jose, ay hindi na pinasama ni Jacob sa takot na may masamang mangyari sa kanya.

5 Kasama ng ibang taga-Canaan, lumakad ang mga anak ni Jacob upang bumili ng pagkain sapagkat laganap na ang taggutom sa buong Canaan.

6 Bilang gobernador ng Egipto, si Jose ang nagbebenta ng pagkain sa mga tao, kaya't sa kanya pumunta ang kanyang mga kapatid. Paglapit ng mga ito, sila'y yumukod sa kanyang harapan.

7 Nakilala agad ni Jose ang mga kapatid niya, ngunit hindi siya nagpahalata. “Tagasaan kayo?” mabagsik niyang tanong.“Taga-Canaan po. Naparito po kami upang bumili ng pagkain,” tugon nila.

8 Nakilala nga ni Jose ang kanyang mga kapatid ngunit hindi siya namukhaan ng mga ito.

9 Naalala niya ang kanyang mga panaginip tungkol sa kanila, kaya't sinabi niya, “Kayo'y mga espiya, at naparito kayo upang makita ang kahinaan ng aming bansa, hindi ba?”

10 “Hindi po! Kami pong mga lingkod ninyo'y bumibili lamang ng pagkain.

11 Magkakapatid po kami, at kami'y mga taong tapat. Hindi po kami mga espiya.”

12 “Hindi ako naniniwala,” sabi ni Jose. “Naparito kayo upang alamin ang kahinaan ng aming bansa!”

13 Kaya't nagmakaawa sila, “Ginoo, kami po'y labindalawang magkakapatid; nasa Canaan po ang aming ama. Pinaiwan po ang bunso naming kapatid; ang isa po nama'y patay na.”

14 Sinabi ni Jose, “Tulad ng sinabi ko, kayo'y mga espiya!

15 At isinusumpa ko sa ngalan ng Faraon, hindi kayo makakaalis hanggang hindi ninyo dinadala rito ang inyong bunsong kapatid.

16 Umuwi ang isa sa inyo at kunin siya; ang iba'y ikukulong dito hanggang hindi ninyo napatutunayan ang inyong sinasabi. Kung hindi, mga espiya nga kayo!”

17 Tatlong araw niyang ikinulong ang kanyang mga kapatid.

18 Pagsapit ng ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Ako'y may takot sa Diyos; bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay kung gagawin ninyo ito:

19 Kung talagang nagsasabi kayo ng totoo, isa lamang sa inyo ang ibibilanggo; ang iba'y makakaalis na at maaari nang iuwi ang pagkaing binili ninyo para sa inyong mga pamilya.

20 Ngunit pagbalik ninyo'y kailangang isama ninyo ang bunso ninyong kapatid. Dito ko malalaman na kayo'y nagsasabi ng totoo, at hindi kayo mamamatay.” Sumang-ayon ang lahat.

21 Pagkatapos, ang sabi nila sa isa't isa, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid. Nakikita natin ang paghihirap ng kanyang kalooban noon ngunit hindi natin pinansin ang kanyang pagmamakaawa. Kaya tayo naman ngayon ang nasa kagipitan.”

22 “Iyan na nga ba ang sinasabi ko,” sabi ni Ruben. “Nakiusap ako sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi kayo nakinig; ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan.”

23 Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang usapan, sapagkat gumagamit pa ito ng tagasalin sa wika kapag humaharap sa kanila.

24 Iniwan muna sila ni Jose dahil sa hindi na niya mapigil ang pag-iyak. Nang panatag na ang kanyang kalooban, bumalik siya at ibinukod si Simeon. Ipinagapos niya ito sa harapan nila.

Nagbalik ang mga Kapatid ni Jose sa Canaan

25 Iniutos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sako at ilagay doon ang salaping ibinayad nila. Pinabigyan pa sila ng makakain sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang utos ni Jose.

26 Ikinarga ng magkakapatid sa mga asno ang kanilang biniling pagkain, at sila'y umalis.

27 Pagsapit ng gabi, tumigil sila upang magpahinga. Binuksan ng isa ang kanyang sako upang pakainin ang asno niya at nakita ang salapi sa loob ng sako.

28 Napasigaw ito, “Ibinalik sa akin ang aking salapi! Heto sa aking sako!”Nanginig sila sa takot at nagtanong sa isa't isa, “Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?”

29 Pagdating nila sa Canaan, isinalaysay nila kay Jacob ang nangyari sa kanila. Sinabi nila,

30 “Ama, napakabagsik pong magsalita ng gobernador sa Egipto. Akalain ba naman ninyong pagbintangan pa kaming mga espiya!

31 Sinabi po naming mga tapat na tao kami at hindi mga espiya.

32 Ipinagtapat pa naming kami'y labindalawang magkakapatid na lalaki at iisa ang aming ama. Sinabi po namin na patay na ang isa naming kapatid, at ang bunso nama'y kasama ninyo rito sa Canaan.

33 Pagkatapos po naming sabihin ito, akalain ninyong susubukan daw niya kung kami'y nagsasabi ng totoo! Pinaiwan po si Simeon, at pinauwi na kaming dala ang pagkaing aming binili.

34 Ngunit mahigpit po ang bilin niya na bumalik kaming kasama ang aming bunsong kapatid bilang katunayang kami'y nagsasabi ng totoo. Kung magagawa namin ito, nangako po siyang palalayain si Simeon at pahihintulutan kaming manirahan at magnegosyo sa kanyang bansa.”

35 Nang isalin nila ang kani-kanilang sako, nakita nila ang salaping kanilang ibinayad. Kaya't pati si Jacob ay natakot.

36 Sinabi niya, “Iiwan ba ninyo akong mag-isa? Wala na si Jose, wala rin si Simeon, ngayo'y gusto pa ninyong isama si Benjamin? Napakabigat namang pasanin ito para sa akin!”

37 Sinabi ni Ruben, “Ama, kung hindi ko maibalik sa inyo si Benjamin, patayin na ninyo ang dalawa kong anak. Ipaubaya ninyo sa akin si Benjamin at ibabalik ko siya.”

38 Ngunit sinabi ni Jacob, “Hindi ko papayagang sumama sa inyo ang aking anak, patay na ang kanyang kapatid at siya na lamang ang nasa akin. Sa tanda ko nang ito, kung siya'y masasawi sa daan, hindi ko na ito makakayanan; mamamatay akong nagdadalamhati.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50