1 Nang gabing dumating sa Sodoma ang dalawang anghel, nakaupo si Lot sa may pintuan ng lunsod. Pagkakita sa kanila'y tumayo si Lot at sinalubong sila. Nagpatirapa siya sa harapan ng mga anghel.
2 “Mga ginoo,” wika niya, “inaanyayahan ko po kayo sa amin. Doon na kayo maghugas ng paa at magpalipas ng gabi. Bukas na ng umaga kayo magpatuloy ng paglalakbay.”Ngunit sumagot sila, “Huwag na, dito na lang kami sa lansangan magpapalipas ng gabi.”
3 Ngunit pinilit niya ang mga ito kaya sumama na rin sila sa kanya. Nagluto si Lot ng tinapay na walang pampaalsa, naghanda ng masarap na hapunan at kumain sila.
4 Nang matutulog na sila, pinaligiran ng mga lalaking taga-Sodoma ang kanyang bahay. Lahat ng kalalakihan sa lunsod, bata at matanda ay naroon.
5 Pasigaw nilang tinanong si Lot, “Nasaan ang mga panauhin mong lalaki? Ilabas mo't makikipagtalik kami sa kanila!”
6 Lumabas si Lot at isinara ang pinto.
7 Sinabi niya sa mga tao, “Huwag, mga kaibigan, napakasama ng gagawin ninyong iyan.
8 Ako'y may dalawang anak na dalaga, sila na lang ang ibibigay ko sa inyo at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo, huwag lamang ninyong galawin ang mga lalaking ito. Mga panauhin ko sila at dapat ko silang ingatan.”
9 Ngunit sumigaw sila, “Huwag kang makialam, dayuhan! Sino kang magtuturo sa amin ng aming gagawin? Tumabi ka kung ayaw mong masaktan nang higit kaysa kanila!” Itinulak nila si Lot at tinangkang wasakin ang pinto.
10 Ngunit hinaltak siya ng kanyang mga panauhin, at isinara ang pinto.
11 Pagkatapos, binulag nila ang mga tao sa labas kaya't hindi makita ng mga ito ang pinto.
12 Sinabi ng dalawang panauhin kay Lot, “Magmadali ka! Isama mong lahat ang iyong mga anak at iba pang kamag-anak na nakatira sa lunsod na ito. Umalis na kayo rito,
13 sapagkat gugunawin na namin ang lunsod na ito! Pinakinggan ni Yahweh ang mabibigat na sumbong laban sa mga taga-Sodoma at pinapunta kami ni Yahweh upang wasakin ang lunsod na ito.”
14 Kaya't pinuntahan ni Lot ang mga mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae at sinabi sa kanila, “Umalis na kayo agad sapagkat wawasakin ni Yahweh ang lunsod na ito.” Ngunit akala nila'y nagbibiro lamang si Lot.
15 Nang magbubukang-liwayway na, inapura ng mga anghel si Lot, “Magmadali ka! Umalis na kayo ng iyong asawa't mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lunsod.”
16 Nag-aatubili pa si Lot ngunit sa habag ni Yahweh, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki palabas ng lunsod.
17 Pagkatapos, isa sa mga anghel ay nagsabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa libis! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!”
18 Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na po roon, Ginoo.
19 Napakalaki na ng utang na loob ko sa inyo; napakabuti ninyo at iniligtas ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon nang buháy.
20 Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?”
21 “Oo, sige, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon.
22 Ngunit magmadali kayo! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga't wala kayo roon.”Maliit ang bayang iyon kaya ito'y tinawag na Zoar.
23 Mataas na ang araw nang makarating si Lot sa Zoar.
24 Saka pa lamang pinaulanan ni Yahweh ng apoy at asupre ang Sodoma at Gomorra.
25 Tinupok ni Yahweh ang mga lunsod na iyon at ang buong libis, lahat ng mamamayan doon pati ang mga pananim.
26 Ngunit lumingon ang asawa ni Lot kaya't ito'y naging isang haliging asin.
27 Kinabukasan, maagang nagtungo si Abraham sa dakong pinagtagpuan nila ni Yahweh.
28 Mula roon, tinanaw niya ang Sodoma at Gomorra, at ang buong libis. Nakita niyang tumataas ang makapal na usok na parang nagmumula sa malaking hurno.
29 Nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod na iyon, hindi nawaglit sa kanyang isipan si Abraham kaya iniligtas niya si Lot.
30 Sa takot ni Lot na manatili sa Zoar, sila ng dalawa niyang anak na babae ay umakyat sa kaburulan at nanirahan sa isang yungib doon.
31 Minsan, nag-usap ang magkapatid. Sinabi ng nakatatanda, “Wala nang natitirang lalaki sa daigdig. Matanda na ang ating ama at maaaring hindi na tayo magkaanak.
32 Mabuti pa'y lasingin natin siya at ating sipingan para magkaanak tayo.”
33 Nilasing nga nila ang kanilang ama nang gabing iyon. Sa kalasingan ni Lot, hindi niya namalayang nakipagtalik siya sa anak niyang panganay.
34 Kinabukasa'y sinabi ng panganay sa bunso, “Kagabi'y sumiping ako sa ating ama; lasingin natin siya uli mamaya, at ikaw naman ang sumiping nang pareho tayong magkaanak.”
35 Nilasing nga nila uli si Lot nang gabing iyon, at ang bunso naman ang sumiping. Tulad ng dati, hindi namalayan ni Lot ang kanyang pakikipagtalik dahil sa kalasingan.
36 Bunga nito, kapwa nagdalang-tao ang magkapatid.
37 Nagkaanak ng lalaki ang panganay at tinawag niyang Moab. Siya ang ninuno ng mga Moabita ngayon.
38 Lalaki rin ang naging anak ng bunso at tinawag naman niya itong Ben-ammi. Siya naman ang ninuno ng mga Ammonita ngayon.