1 Si Noe at ang kanyang mga anak ay binasbasan ng Diyos: “Magkaroon kayo ng maraming anak at punuin ninyo ng inyong supling ang buong daigdig.
2 Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan.
3 Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito'y maaari na ninyong kainin.
4 Huwag lamang ninyong kakainin ang karneng hindi inalisan ng dugo sapagkat nasa dugo ang buhay.
5 Mananagot ang sinumang papatay sa inyo, maging ito'y isang hayop. Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa.
6 Sinumang pumatay ng kanyang kapwa,buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa,sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha.
7 “Magkaroon nga kayo ng maraming anak upang manirahan sila sa buong daigdig.”
8 Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak,
9 “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak,
10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko.
11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.”
12 Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop:
13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo.
14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari,
15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay.
16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”
17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”
18 Ang mga anak ni Noe na kasama niyang lumabas sa barko ay sina Shem, Jafet at Ham na ama ni Canaan.
19 Ang tatlong ito ang pinagmulan ng lahat ng tao sa daigdig.
20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang kauna-unahang nagbukid ng ubasan.
21 Minsan, uminom siya ng alak at nalasing. Nakatulog siyang hubad na hubad sa loob ng kanyang tolda.
22 Sa gayong ayos, nakita siya ni Ham ang ama ni Canaan at ibinalita ito sa kanyang mga kapatid.
23 Kaya't kumuha sina Shem at Jafet ng balabal, iniladlad sa likuran nila at magkatuwang na lumakad nang patalikod patungo sa tolda. Tinakpan nila ang katawan ng kanilang ama. Ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama.
24 Nang mawala na ang kalasingan ni Noe, at malaman ang ginawa ng bunsong anak,
25 sinabi niya:“O ikaw, Canaan, ngayo'y susumpain,sa mga kapatid mo ika'y paaalipin.”
26 Sinabi rin niya,“Purihin si Yahweh, ang Diyos ni Shem,itong si Canaa'y maglilingkod kay Shem.
27 Palawakin nawa ng Diyos ang lupain ni Jafet.Sa lahi ni Shem, sila'y mapipisan,at paglilingkuran si Jafet nitong si Canaan.”
28 Si Noe ay nabuhay pa nang 350 taon pagkatapos ng baha,
29 kaya't umabot siya sa gulang na 950 taon bago namatay.