1 Nilisan ni Abraham ang Mamre at nagpunta sa lupain ng Negeb sa pagitan ng Kades at Shur, at tumira sa Gerar. Habang siya'y naroon,
2 kapatid ang pakilala niya kay Sara, kaya ito'y ipinakuha ni Abimelec, hari ng Gerar.
3 Sa isang panaginip, nagpakita ang Diyos kay Abimelec at sinabi, “Mamamatay ka dahil sa babaing kinuha mo; siya ay may asawa na.”
4 Noon ay hindi pa nasisipingan ni Abimelec si Sara, kaya't sinabi niya, “Panginoon, papatayin ba ninyo ako at ang aking bayan na wala namang kasalanan?
5 Kapatid ang pakilala ni Abraham kay Sara, at gayundin naman ang pakilala nito kay Abraham. Ginawa ko po ito na malinis ang aking hangarin, kaya wala akong kasalanan.”
6 Sumagot ang Diyos, “Oo, alam kong malinis ang hangarin mo, kaya naman hindi ko na hinintay na magalaw mo siya upang huwag ka nang magkasala sa akin.
7 Ibalik mo siya agad sa kanyang asawa. Propeta ang asawa niya, at ipapanalangin ka niya upang hindi ka mamatay. Kapag hindi mo siya ibinalik, hindi lamang ikaw ang mamamatay, kundi pati ang buong nasasakupan mo.”
8 Kinabukasan, sinabi ni Abimelec sa mga alipin niya ang mga bagay na ito, at gayon na lamang ang kanilang pagkatakot.
9 Dahil dito'y ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, “Bakit mo ginawa ito? Ano bang kasalanan ko at dinalhan mo ng kapahamakang ito ang aking kaharian? Hindi tama ang ginawa mo!
10 Ano bang pumasok diyan sa isip mo at ginawa mo ang bagay na ito?”
11 Sumagot si Abraham, “Ang akala ko po'y walang takot sa Diyos ang mga tagarito, at nangangamba akong baka patayin nila ako para makuha ang aking asawa.
12 Ang totoo po'y kapatid ko siya sa ama at napangasawa ko siya.
13 Kaya po nang sabihin sa akin ng Diyos na lisanin ko ang sambahayan ng aking ama, sinabi ko sa aking asawa, ‘Mabuti pa'y ganito ang gawin mo: saanman tayo pumunta, sabihin mong tayo'y magkapatid at sa gayo'y maipapakita mo ang iyong katapatan sa akin.’”
14 Sa halip na parusahan, binigyan pa ni Abimelec si Abraham ng mga tupa, baka at mga aliping lalaki at babae, at ibinalik niya si Sara.
15 Sinabi pa niya kay Abraham, “Sa buong lupain kong ito, tumira ka kung saan mo gusto.”
16 Ito naman ang sinabi niya kay Sara: “Binibigyan ko ang iyong kapatid ng sanlibong pirasong pilak, bilang katunayan na ang dangal mo'y hindi nadungisan. Sa gayon, hindi iisipin ninuman na ikaw ay may ginawang masama.”
17-18 Dahil sa pagkakuha ng hari kay Sara, pinarusahan ni Yahweh ang lahat ng babae sa sambahayan ni Abimelec: hindi sila magkaanak. At upang malunasan ito, ipinanalangin sila ni Abraham. Gumaling naman si Abimelec, at mula noon, ang kanyang asawa't mga aliping babae ay nagkaanak.