1 Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”
2 Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan,
3 huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.”
4 Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay!
5 Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.”
6 Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito.
7 Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.
8 Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya't nagtago sila sa mga puno.
9 Ngunit tinawag niya ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?”
10 “Natakot po ako nang marinig kong kayo'y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako'y hubad,” sagot ng lalaki.
11 Nagtanong muli ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hubad ka? Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”
12 “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.
13 “Bakit mo ginawa ang bagay na iyon?” tanong ng Panginoong Yahweh sa babae.“Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” sagot naman nito.
14 At sinabi ng Panginoong Yahweh sa ahas:“Sa iyong ginawa'y may parusang dapat,na ikaw lang sa lahat ng hayop ang magdaranas;mula ngayon ikaw ay gagapang,at ang pagkain mo'y alikabok lamang.
15 Kayo ng babae'y aking pag-aawayin,binhi mo't binhi niya'y lagi kong paglalabanin.Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo,at sa sakong niya'y ikaw ang tutuklaw.”
16 Sa babae nama'y ito ang sinabi:“Sa pagbubuntis mo'y hirap ang daranasin,at sa panganganak sakit ay titiisin;ang asawang lalaki'y iyong nanasain,pasasakop ka sa kanya't siya mong susundin.”
17 Ito naman ang sinabi ng Diyos kay Adan:“Dahil nakinig ka sa iyong asawa,nang iyong kainin ang ipinagbawal kong bunga;dahil dito'y sinusumpa ko ang lupa,sa hirap ng pagbubungkal, pagkain mo'y magmumula.
18 Mga damo at tinik ang iyong aanihin,halaman sa gubat ang iyong kakainin;
19 sa pagod at pawis pagkain mo'y manggagalingmaghihirap ka hanggang sa malibing.Dahil sa alabok, doon ka nanggaling,sa lupang alabok ay babalik ka rin.”
20 Eva ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat siya ang ina ng sangkatauhan.
21 Ang mag-asawa'y iginawa niya ng mga damit na yari sa balat ng hayop.
22 Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Baka pumitas siya at kumain ng bungangkahoy na nagbibigay-buhay at hindi na siya mamatay.”
23 Kaya, pinalayas niya sa halamanan ng Eden ang tao upang magbungkal ng lupang kanyang pinagmulan.
24 Pinalayas nga siya ng Diyos. At sa dakong silangan ng halamanan ng Eden ay naglagay ang Diyos ng bantay na kerubin. Naglagay rin siya ng espadang nagniningas na umiikot sa lahat ng panig upang hindi malapitan ninuman ang punongkahoy ng buhay.