1 Naglakbay nga si Israel, dala ang lahat niyang ari-arian. Pagdating sa Beer-seba, naghandog siya sa Diyos ng kanyang amang si Isaac.
2 Pagsapit ng gabi, tinawag siya ng Diyos sa isang pangitain, “Jacob, Jacob!”“Narito po ako,” sagot niya.
3 “Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama,” sabi sa kanya. “Huwag kang matakot na pumunta sa Egipto. Doon, ang lahi mo'y magiging isang malaking bansa.
4 Sasamahan ko kayo roon at ibabalik muli rito. Nasa piling mo si Jose kapag ikaw ay namatay.”
5 Mula sa Beer-seba'y naglakbay si Jacob. Siya, at ang kanyang mga apo at mga manugang ay isinakay ng kanyang mga anak sa mga karwaheng ipinadala ng Faraon.
6 Dinala rin nila sa Egipto ang kanilang mga kawan at kagamitan mula sa Canaan. Kasama nga niya
7 ang kanyang mga anak, mga manugang at mga apo.
8 Ito ang talaan ng lahi ni Israel na nagpunta sa Egipto—si Jacob at ang kanyang mga anak at mga apo: si Ruben na kanyang panganay
9 at ang mga anak nitong sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi;
10 si Simeon at ang mga anak nitong sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at si Saul na anak ng babaing taga-Canaan.
11 Si Levi at ang mga anak nitong sina Gershon, Coat at Merari;
12 si Juda at ang mga anak nitong sina Sela, Fares at Zara. Si Er at Onan ay namatay sa Canaan. Ang mga anak ni Fares na sina Hezron at Hamul.
13 Si Isacar at ang mga anak nitong sina Tola, Pua, Job at Simron.
14 Si Zebulun at ang mga anak nitong sina Sered, Elon at Jahleel.
15 Ito ang mga anak at apo ni Jacob kay Lea na pawang ipinanganak sa Mesopotamia. Kabilang dito si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob. Tatlumpu't tatlo silang lahat.
16 Kasama rin dito si Gad at ang mga anak nito na sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi at Areli;
17 si Asher at ang mga anak nitong sina Jimna, Isua, Isui, Beria at ang babaing kapatid nilang si Sera. Ang mga anak ni Beria ay sina Heber at Malquiel.
18 Ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Zilpa, ang aliping ibinigay ni Laban kay Lea, ay labing-anim.
19 Kabilang din sa talaang ito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel: sina Jose at Benjamin;
20 sina Manases at Efraim, mga anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari sa Heliopolis. Ang dalawang ito'y sa Egipto isinilang.
21 Ang mga anak ni Benjamin ay sina Bela, Bequer, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim at Ard.
22 Labing-apat ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel.
23 Kabilang pa rin dito si Dan at ang bugtong niyang anak na si Husim; at
24 si Neftali at ang mga anak nitong sina Jahzeel, Guni, Jeser at Silem.
25 Pito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Bilha, ang aliping ibinigay ni Laban kay Raquel.
26 Animnapu't anim ang mga anak at mga apo ni Jacob na nagpunta sa Egipto. Hindi kabilang dito ang kanyang mga manugang.
27 Dalawa ang naging anak ni Jose sa Egipto, kaya ang kabuuang bilang ng sambahayan ni Jacob na natipon doon ay pitumpu.
28 Si Juda ang isinugo ni Israel kay Jose upang siya'y salubungin.
29 Dali-daling ipinahanda ni Jose ang sasakyan niya at sinalubong ang kanyang ama sa Goshen. Nang sila'y magkita, agad niyang niyakap ang kanyang ama, at matagal na umiyak.
30 Sinabi naman ni Israel, “Ngayo'y handa na akong mamatay sapagkat nakita na kitang buháy.”
31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa buong sambahayan ni Jacob, “Ibabalita ko sa Faraon na dumating na kayo buhat sa Canaan.
32 Sasabihin kong kayo'y mga pastol; dala ninyo ang inyong mga kawan, at lahat ninyong ari-arian.
33 Kung ipatawag kayo ng Faraon at tanungin kung ano ang inyong gawain,
34 sabihin ninyong kayo'y nag-aalaga na ng mga baka buhat sa pagkabata, tulad ng inyong mga ninuno. Sa gayon, maaari kayong manirahan sa lupaing ito.” Sinabi niya ito sapagkat ang mga taga-Egipto'y namumuhi sa mga pastol.