1 Nabuhay si Sara nang 127 taon.
2 Namatay siya sa Lunsod ng Arba, na tinatawag ding Hebron sa lupain ng Canaan. Ito'y labis na ikinalungkot ni Abraham.
3 Sandaling iniwan ni Abraham ang bangkay at nakipag-usap sa mga Heteo. Pakiusap niya,
4 “Ako'y isang dayuhan at nakikitira lamang sa inyong lupain. Kung maaari, pagbilhan ninyo ako ng lupang mapaglilibingan sa aking asawa.”
5 Sumagot ang mga Heteo,
6 “Kinikilala ka naming isang dakilang pinuno; pumili ka na ng lugar na gusto mo para paglibingan sa iyong asawa. Ikalulugod namin na ibigay sa inyo ang bahagi ng inyong mapipili.”
7 Bilang pasasalamat, yumuko si Abraham sa harapan ng mga tao
8 at sinabi niya, “Kung talagang hindi kayo tutol na dito ko ilibing ang aking asawa, tulungan ninyo akong makiusap kay Efron na anak ni Zohar.
9 Nais kong saksihan ninyo ang pagbili ko sa yungib na nasa tabi ng kanyang lupain sa Macpela, upang ito'y gawing libingan. Babayaran ko siya sa hustong halaga.”
10 Nagkataong si Efron ay kasama ng nagkakatipong mga Heteo sa may pintuan ng lunsod. Kaya, sinabi niya kay Abraham na naririnig ng lahat,
11 “Hindi lamang ang yungib, kundi pati ang lupang kinalalagyan nito ay ibinibigay ko na rin sa inyo upang paglibingan sa inyong asawa. Saksi ko ang lahat ng naririto.”
12 Muling yumuko si Abraham sa harapan ng mga naroroon,
13 at sinabi niya kay Efron na naririnig ng lahat, “Kung maaari'y pakinggan mo ako. Bibilhin ko ang buong lupain. Tanggapin mo ang tamang kabayaran upang mailibing ko roon ang aking asawa.”
14 Sumagot si Efron kay Abraham,
15 “Apatnaraang pirasong pilak po ang halaga ng lupa. Huwag na nating pag-usapan; basta't paglibingan na ninyo.”
16 Nagkasundo sila. Sa harapan ng mga tao'y tumimbang si Abraham ng halagang apatnaraang pirasong pilak, ayon sa halaga ng salaping umiiral noon sa pamilihan.
17 Kaya't ang lupang iyon ni Efron sa Macpela sa silangan ng Mamre, pati na ang yungib at mga punongkahoy sa paligid nito
18 ay naging pag-aari ni Abraham. Sinaksihan ito ng mga Heteong dumalo sa pagpupulong na iyon sa may pintuan ng lunsod.
19 At inilibing nga ni Abraham si Sara sa yungib na iyon sa Macpela, silangan ng Mamre, sa lupain ng Canaan. Ito'y tinatawag ngayong Hebron.
20 Ang lupa ngang iyon at ang yungib na dating pag-aari ng mga Heteo ay binili ni Abraham upang gawin niyang libingan.