1 Nang panahong iyon, humiwalay si Juda sa kanyang mga kapatid at nakipanirahan kay Hira na isang Adullamita.
2 Napangasawa niya roon ang anak ni Sua, isang Cananeo.
3 Nagkaanak sila ng tatlong lalaki: Er ang ipinangalan sa panganay,
4 ang pangalawa'y Onan,
5 at Sela naman ang pangatlo. Si Juda ay nasa Kizib nang ipanganak si Sela.
6 Pinapag-asawa ni Juda ang kanyang panganay na si Er at ang napangasawa nito'y si Tamar.
7 Napakasama ng ugali ni Er, kaya't nagalit sa kanya si Yahweh at siya'y pinatay.
8 Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Tungkulin mong sipingan ang biyuda ng iyong kapatid upang magkaroon siya ng mga anak sa pamamagitan mo.”
9 Alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak niya sa kanyang hipag. Kaya itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi upang huwag magkaanak ang kanyang kapatid sa pamamagitan niya.
10 Ito'y kasuklam-suklam kay Yahweh kaya't pinatay rin siya.
11 Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar, “Umuwi ka na muna sa inyo at hintayin mong lumaki ang bunso kong si Sela.” Sinabi niya ito dahil sa takot na baka mangyari kay Sela ang sinapit ng kanyang mga kapatid. Kaya't umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.
12 Pagkalipas ng panahon ay namatay ang asawa ni Juda. Matapos ang pagluluksa, nagpunta si Juda sa Timnat para tingnan ang paggugupit sa balahibo ng kanyang mga tupa. Kasama niya ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adullam.
13 Samantala, may nagsabi kay Tamar na pupunta sa Timnat ang kanyang biyenan upang gupitan ng balahibo ang mga tupa nito.
14 Pagkarinig nito, hinubad niya ang kanyang damit-panluksa. Nagtalukbong siya at naupo sa pagpasok ng Enaim, bayang nadadaanan patungo sa Timnat. Ginawa niya ito sapagkat alam niyang binata na si Sela, ngunit hindi pa sila ipinakakasal ng kanyang biyenan.
15 Nakita ni Juda si Tamar; inakala niyang ito'y isang babaing nagbebenta ng aliw sapagkat may takip ang mukha.
16 Lumapit siya at inalok ang babae na makipagtalik sa kanya. Hindi niya alam na ito ang kanyang manugang.“Anong ibabayad mo sa akin?” tanong ng babae.
17 Sumagot si Juda, “Padadalhan kita ng isang batang kambing.”“Payag ako,” sabi ng babae, “kung bibigyan mo ako ng isang sangla hangga't hindi ko tinatanggap ang ipadadala mo.”
18 “Anong sangla ang gusto mo?” tanong ni Juda.Sumagot siya, “Ang iyong singsing na pantatak kasama ang kadena at ang tungkod mo.” Ibinigay niya ang hiningi ng babae at sila'y nagsiping. Nagdalang-tao si Tamar.
19 Pagkatapos, umuwi siya at inalis ang kanyang talukbong at isinuot muli ang kanyang damit-panluksa.
20 Pag-uwi ni Juda, isinugo niya ang kaibigan niyang taga-Adullam upang dalhin sa babae ang ipinangako niyang kambing, at bawiin naman ang iniwang sangla.
21 Nagtanung-tanong siya sa mga lalaking tagaroon, at ang sagot ng mga ito'y walang gayong babae roon.
22 Nagbalik kay Juda ang kanyang kaibigan at sinabi ang nangyari sa kanyang lakad.
23 Kaya't sinabi ni Juda, “Hayaan mo na sa kanya ang iniwan kong sangla, baka tayo'y pagtawanan pa ng mga tao. Dinala mo na sa kanya ang kambing, ngunit wala siya roon!”
24 Makaraan ang tatlong buwan, may nagsabi kay Juda, “Ang manugang mong si Tamar ay naglaro ng apoy at ngayo'y nagdadalang-tao.”“Ilabas ninyo siya at sunugin!” ang utos ni Juda.
25 Habang siya'y kinakaladkad na palabas, ipinasabi niya sa kanyang biyenan, “Ang may-ari ng mga ito ang ama ng aking dinadala. Tingnan mo kung kanino ang singsing, kadena at tungkod na ito.”
26 Nakilala ni Juda ang iniwan niyang sangla, kaya't sinabi niya, “Wala siyang kasalanan, ako ang nagkulang; dapat sana'y ipinakasal ko siya kay Sela.” At hindi na niya ito muling sinipingan.
27 Dumating ang panahon ng panganganak ni Tamar at natuklasang kambal ang kanyang isisilang.
28 Sa oras ng kanyang panganganak, lumabas ang kamay ng isa at ito'y tinalian ng hilot ng pulang sinulid upang makilala ang unang inianak.
29 Ngunit iniurong ng sanggol ang kanyang kamay at naunang lumabas ang kanyang kakambal. Sinabi ng hilot, “Ano't nakipagsiksikan kang palabas?” Dahil dito, Fares ang ipinangalan sa bata.
30 Ang sanggol na may taling pulang sinulid ang huling iniluwal. At ito'y pinangalanang Zara.