1 Tulad ng nangyari nang panahon ni Abraham, nagkaroon muli ng taggutom sa lupain ng Canaan, kaya't nakarating si Isaac sa Gerar, sakop ni Abimelec na hari ng mga Filisteo.
2 Nagpakita si Yahweh kay Isaac at nagsabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto; manirahan ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.
3 Dito ka muna; sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi ang buong lupaing ito, tulad ng aking ipinangako sa iyong amang si Abraham.
4 Pararamihin kong gaya ng mga bituin sa kalangitan ang iyong lahi, at lahat ng lupaing ito'y ibibigay ko sa kanila. At hihilingin sa akin ng lahat ng bansa sa daigdig na sila'y pagpalain ko tulad ng ginagawa ko sa iyong lahi.
5 Pagpapalain kita dahil kay Abraham, sapagkat sinunod niya ako at tinupad ang aking mga utos.”
6 Doon nga tumira si Isaac sa Gerar.
7 Kung tinatanong siya ng mga tagaroon tungkol kay Rebeca, sinasabi niyang ito'y kanyang kapatid. Inililihim niyang mag-asawa sila sa takot na siya'y patayin para makuha si Rebeca, sapagkat ito'y maganda.
8 Hindi pa sila nagtatagal sa lugar na iyon, nadungawan minsan ni Abimelec sina Isaac at Rebeca na naglalambingan.
9 Ipinatawag agad ni Abimelec si Isaac at ang sabi'y, “Tiyak na asawa mo ang babaing iyon, hindi ba? Bakit ang sabi mo'y kapatid mo?”“Natatakot po ako na baka ako'y patayin kung sabihin kong asawa ko siya,” tugon ni Isaac.
10 “Bakit mo ito ginawa sa amin?” wika ni Abimelec. “Kung siya'y ginalaw ng isa sa mga tauhan ko, isinubo mo pa kami sa kapahamakan!”
11 At sinabi ni Abimelec sa kanyang nasasakupan, “Papatayin ang sinumang umapi sa mag-asawang ito.”
12 Nang taóng iyon, si Isaac ay nagsaka sa lupain ng Gerar at makasandaang ibayo ang kanyang inani kaysa kanyang itinanim. Pinagpala siya ni Yahweh.
13 Patuloy na lumago ang kanyang kabuhayan, at siya'y naging napakayaman.
14 Nainggit sa kanya ang mga Filisteo sapagkat marami siyang alipin at mga kawan ng tupa at baka.
15 Kaya't tinabunan nila ang mga balong ginawa ng mga alipin ni Abraham noong ito'y nabubuhay pa.
16 Sinabi ni Abimelec, “Umalis ka na, Isaac; mas makapangyarihan ka pa ngayon kaysa amin.”
17 Kaya, umalis si Isaac at nanirahan muna sa libis ng Gerar.
18 Ipinahukay niyang muli ang mga balon ni Abraham na tinabunan ng mga Filisteo. At ang mga balong iyon ay tinawag ni Isaac sa dating tawag dito ng kanyang ama.
19 Ang mga tauhan ni Isaac ay nakahukay ng isang malakas na bukal sa libis,
20 ngunit nakipag-away ang mga pastol na taga-Gerar at inangkin ang bukal ng tubig na iyon. Kaya't ang balong iyon ay tinawag ni Isaac na “Balon ng Away” sapagkat sila'y inaway ng mga tagaroon.
21 Nang makahukay muli sila, nakipagtalo na naman sa kanila ang mga taga-Gerar, kaya't tinawag naman itong “Balon ng Pagtatalo.”
22 Lumayo sila roon at humukay ng ibang balon. Wala nang umangkin nito, kaya't tinawag niyang “Balon ng Kalayaan.” Ang sabi niya, “Uunlad tayo sa lupaing ito, sapagkat binigyan tayo ni Yahweh ng kalayaang mamuhay sa lupaing ito.”
23 Umalis si Isaac at nagpunta sa Beer-seba.
24 Nang gabing iyon, nagpakita sa kanya si Yahweh, at ang sabi,“Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham,huwag kang matakot, sapagkat sasamahan kita;pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong lahialang-alang kay Abraham na tapat kong alipin.”
25 Nagtayo si Isaac ng altar doon at sinamba si Yahweh. Tumigil sila sa lugar na iyon at humukay muli ng balon ang kanyang mga alipin.
26 Dumating si Abimelec buhat sa Gerar kasama si Ahuzat na kanyang tagapayo at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo.
27 Tinanong siya ni Isaac, “Bakit mo ako dinalaw? Hindi ba't galit ka sa akin at ako'y pinaalis mo sa iyong bayan?”
28 Ito ang sagot nila: “Naniniwala na kami ngayon na kasama mo ang Diyos; nais naming makipagkasundo sa iyo. Ipangako mo sanang
29 hindi mo kami pipinsalain, sapagkat hindi ka rin naman namin pininsala. Pinakitaan ka namin ng mabuti at hindi ka ginambala sa iyong pag-alis. Ikaw ngayon ang pinagpapala ni Yahweh.”
30 Naghanda si Isaac ng malaking salu-salo at sila'y nagkainan at nag-inuman.
31 Kinaumagahan, sila'y nagsumpaang magiging magkaibigan, at saka mapayapang naghiwalay.
32 Nang araw ring iyon, ibinalita ng mga alipin ni Isaac na sila'y nakahukay na ng tubig.
33 Tinawag niyang “Balon ng Panata” ang balong iyon. Kaya, hanggang ngayon ay Beer-seba ang tawag sa lunsod na itinayo roon.
34 Apatnapung taon si Esau nang siya'y mag-asawa; si Judit na anak ng Heteong si Beeri ang napangasawa niya. Naging asawa rin niya si Basemat, anak naman ni Elon, isa ring Heteo.
35 Ang dalawang ito ang naging dahilan ng malaking sama ng loob nina Isaac at Rebeca.