1 Hindi magkaanak si Sarai na asawa ni Abram. Ngunit mayroon siyang aliping babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar.
2 Sinabi niya, “Abram, dahil pinagkaitan ako ni Yahweh ng anak, ang alipin ko ang sipingan mo. Baka sakaling magkaanak siya para sa akin!” Pumayag si Abram sa sinabi ni Sarai.
3 At ipinaubaya nga ni Sarai sa kanyang asawa si Hagar upang maging asawang-lingkod. Sampung taon na si Abram na naninirahan sa Canaan nang ito'y nangyari.
4 Matapos sipingan ni Abram si Hagar, nagdalang-tao nga ito. Subalit nagmalaki si Hagar at hinamak nito si Sarai.
5 Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dahilan ng paghamak ni Hagar sa akin! Alam mong ako ang nagkaloob sa iyo ng alipin kong ito; bakit niya ako hinahamak ngayong siya'y nagdadalang-tao? Si Yahweh na ang humatol kung sino sa atin ang tama!”
6 At sumagot si Abram, “Alipin mo naman siya, kaya gawin mo sa kanya ang gusto mo.” Pinagmalupitan nga ni Sarai si Hagar, kaya ito'y tumakas.
7 Sinalubong siya ng anghel ni Yahweh sa tabi ng isang bukal sa ilang na malapit sa daang patungo sa Shur.