14 Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates.
15 Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan.
16 Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan,
17 maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”
18 Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.”
19 Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito.
20 Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang. Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya.